ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dating bold actor na si Anton Bernardo, nakulong matapos nahulihan daw ng shabu


Nahuli at nakulong ang dating bold actor na si Anton Bernardo matapos na makuhanan umano ng sachet na may lamang shabu nang sitahin ng mga awtoridad dahil sa pagmomotorsiklo nang walang suot na helmet sa Quezon City.

Sa Startalk episode nitong Sabado, sinabing umiwas si Anton na makapanayam nang puntahan ng crew ng showbiz talkshow sa istasyon ng pulisya sa kung saan siya nakadetine.

Ayon kay P/Supt. Wilson delos Santos, hepe ng police station 7-Cubao, hinuli si Anton, Laurence Mendres sa totoong buhay, noong nakaraang linggo dahil sa paglabag sa batas ng pagmomotorsiklo nang walang helmet.

"Tapos nang inapproach [nilapitan] ng pulis natin medyo naging unruly at yun nga nakuhanan siya ng isang plastic sachet... na later it found out na shabu sa result ng laboratory natin," patungkol ng opisyal sa laman ng sachet.



Ayon pa kay Delos Santos, hindi naman kaagad nakilala ng mga pulis na si Anton, na isang artista, ang kanilang nadakip. Pero kinalaunan ay naging pamilyar na raw ang hitsura nito at kinumpirma nito ang kaniyang katauhan.

Nang puntahan ng crew ng Startalk sa presinto si Anton para makunan ng panayam, nagtago siya sa mga kapwa niya nakadetine at hindi nagpakita.

Hindi naman daw batid ni Direk Mario J Delos Reyes ang mga nangyari sa buhay ng aktor na dati niyang idinirek sa critically acclaimed movie na Paraiso ni Efren, kung saan si Anton ang bida.

Itinuturing na Ang Paraiso ni Efren ang naging tulay ni Anton upang makilala siya bilang isang seryosong aktor at hindi lang basta isang male bold star noong dekada 90's.

Gayunman, umaasa ang direktor na malalampasan ni Anton ang kinakaharap na pagsubok at aayusin nito ang buhay.

Huling napanood si Anton sa pelikulang Torotot noong 2008 at lumabas din siya sa GMA teleserye na Joaquin Bordado. -- FRJ, GMA News