ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

VIP Screening ng 'Kubot: The Aswang Chronicles2,' star-studded


Star-studded ang VIP screening ng GMA Films entry sa Metro Manila Film Festival ngayong taon na 'Kubot: The Aswang Chronicles 2' na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes sa direksyon ni Erik Matti.
 
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, bukod sa mga bida ng pelikula na sina Dingdong, KC Montero, Isabelle Daza, Lotlot de Leon, at iba pa, naroon din ang ilang Kapuso stars na nagpakita ng kanilang suporta.
 
Dumating sa naturang VIP screening ang Kapuso teen stars na sina Barbie Forteza, Derrick Monasterio, Joyce Chin, Thea Tolentino, Mikoy Morales at Ken Chan na hindi maikaila ang kani-kanilang panghanga sa pagkakagawa ng Kubot.
 


Ayon kay Barbie, “Ito yata 'yung talagang pinag-effort-an 'yung effects sa pelikula. Napanood ko din kasi 'yun [Aswang Chronicles] 1. Akala ko best na 'yun. May mas best pa pala sa best!”
 
Naroon din si Rochelle Pangilinan at ang boyfriend nitong si Arthur Solinap na parehong bumilib sa fight scenes at special effects ng pelikula na kaya na raw makipagsabayan sa Hollywood films.
 
Sinuportahan din ng More than Words lead star na si Janine Gutierrez ang kanyang inang si Lotlot de Leon na kabilang sa cast ng Kubot. Aniya, “I was really excited to watch Kubot. It lived up to my expectations na nakakagulat, nakakatakot, at tsaka nakakatawa.”
 
Dumalo rin sa VIP screening si Solenn Heussaff para suportahan ang kaibigang si Isabelle Daza na isa sa mga bida ng comedy-action-horror film.
 
Mapapanood ang "Kubot: The Aswang Chronicles 2" sa December 25 kasabay ng iba pang entries sa 2014 Metro Manila Film Festival. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News