ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

#Throwback2014: The year in celebrity intrigue and scandal


Balikan natin ang mga pinakamainit na iskandalo at kontrobersiya na bumulabog sa mundo ng showbiz nitong nagdaang taon.
 
 
Vhong Navarro mauling incident
 
 
Simula pa lamang ng taon nang bumungad sa taumbayan ang halos hindi na makilalang mukha ng aktor at TV host na si Vhong Navarro matapos itong maging biktima ng pambubugbog ng anim na kalalakihan sa isang condominium sa The Fort sa Taguig. 
 
Matapos ang paunang imbestigasyon, napag-alamang naka-blotter ang aktor at TV host sa Southern Police District sa Bonifacio Global City dahil sa tangkang umanong panggagahasa sa isang 22-anyos na babae na kalaunan ay kinilala bilang si Deniece Cornejo.

Mariin namang itinanggi ng kampo ni Vhong ang paratang na ito. Giit ng abogado nito na si Atty. Alma Mallonga, bahagi lamang ito ng plano ng grupo upang pahirapan at pagkakuwartahan ang aktor sa pamamagitan ng pananakot. 
 
Nasundan na ito ng kaliwa't kanan at patong-patong na pagsasampa ng kaso mula sa dalawang kampo. Kinilala ang iba pang sangkot sa insidente bilang sina Cedric Lee, Simeon "Zimmer" Raz, at iba pang hindi kinilalang kalalakihan. 
 
Sinampahan ng kasong serious illegal detention, serious physical injury, grave threat, illegal arrest at coercion sina Cedric at Deniece. Naghain naman ng kasong panggagahasa ang kampo ni Deniece laban sa aktor, salungat sa naunang pahayag nito at sa nakasaad sa police blotter na tinangka lamang siyang gahasain.
 
Dahil sa mga kasong isinampa ng bawat kampo, sunod-sunod rin ang mga ebidensyang lumitaw, kabilang na ang ilang CCTV footage mula sa condominium kung saan nangyari ang pambubugbog kay Vhong. Sumalungat ang nakita sa video sa naunang pahayag ni Cedric at ng kapatid nito na si Bernice na natagpuan nila si Vhong habang tinatangka nitong pagsamantalahan si Deniece. Wala ring damage na nakita sa condo, salungat sa naging pahayag ni Cedric. 
 
Iginiit naman ng kampo nina Cedric, Deniece at iba pang suspek na hindi sapat ang mga footage na nakita upang malaman ang kabuuan ng insidente.
 
Kalaunan ay ipinasa na rin sa DOJ ang lahat ng kasong may kinalaman sa insidente ng pambubugbog kay Vhong. Sila na ang humawak nito mula noon.
 
Nasundan pa ang mga kasong nakasampa laban sa magkabilang kampo ng isa pang rape complaint mula kay beauty pageant contestant Roxanne Cabañero laban kay Vhong. Sinagot naman ito ng kampo ng aktor sa pamamagitan ng paghahain ng reklamong perjury laban kay Roxanne at Deniece.
 
Nakabalik si Vhong sa trabaho bilang isang noontime show host noong Marso. Tuloy-tuloy ang pagtakbo ng kasong kinasasangkutan nito. Noong Abril, mayroong ikatlong reklamo ng rape na isinampa laban sa aktor, mula naman sa isang stunt woman na nakatrabaho niya umano noon.
 
Bago matapos ang buwan ng Abril, nahuli sina Cedric at Zimmer. Kalaunan, napunta na rin sa kustodiya ng pulisya si Deniece. Na-detine ang dalaga sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos sumuko. 
 
Noong Hulyo, ibinasura ang kasong rape na isinampa ni Deniece laban kay Vhong, na naging dahilan ng pananakit ng dalaga sa sarili bilang protesta
 
Nagkaroon din ng bail petition ang tatlong akusadong sina Cedric, Zimmer, at Deniece. Noong Setyembre, pinayagang makapagpiyansa ang tatlo sa halagang P500,000. Agad na nagpiyansa sina Cedric at Zimmer habang nahuli naman ng isang araw si Deniece dahil sa mga kinakailangang dokumento.
 
Kinuwestiyon naman ng DOJ ang deisyon ng Taguig RTC na payagang makapagpiyansa ang mga akusado sa pambubugbog kay Vhong. Nag-file ng motion for inhibition of the judge ang tanggapan laban kay Judge Paz Esperanza-Cortes ng Regional Trial Court Branch 271. 
 
Kasalukuyang malaya ngayon sina Cedric, Zimmer, at Deniece matapos makapagpiyansa. Tuluyan namang naibasura ang rape complaints laban kay Vhong. patuloy ang pag-protesta ng kampo ng aktor sa pansamantalang paglaya ng mga suspek. 
 
Paolo Bediones sex scandal
 
 
Hulyo ng taong ito nang kumalat sa social media ang sex video umano ng news anchor at host na si Paolo Bediones. Naging trending topic pa ito sa Twitter noong mga panahong iyon.
 
Hindi naman ito naging problema sa pagitan ni Paolo at ng kanyang network na TV5. Ayon sa network, pribado at personal na isyu ang pinagdadaanan ng host at anchor at nirerespeto nila ang mga desisyong ginagawa ng kanilang mga empleyado. Patuloy umano nilang sinusuportahan si Paolo at mariin nilang kinokondena ang malisyosong pagpapakalat ng mga ganitong uri ng video. 
 
Ilang araw matapos ang pagkalat ng nasabing scandal, patuloy na ginampanan ni Paolo ang trabaho bilang isang news anchor. Nagpasalamat ang host sa suporta mula sa pamilya, mga kaibigan at fans sa kabila ng pinagdaraanang kontrobersiya. Aniya, “Life goes on.”
 
Noong sumunod na buwan, nag-post si Paolo sa kanyang Instagram account ng larawang nagpapaalam sa publiko ng ginawa niyang pagdulog sa mga awtoridad para alamin kung sino ang nagpakalat ng kaniyang sex video sa internet.
 
Sa larawan, makikita ang logo ng Anti-Cybercrime Division ng Philippine National Police (PNP) at isang sulat na tila patungkol sa kumalat na sex video ni Paolo. Nakasaad sa sulat na, “Hawak ko ngayong ang mga sex videos mo. madali naman akong kausap! Kung ayaw mong lumabas ito sa publiko, tawagan mo ako.” Antayin ko tawag mo! Wag mo patagalin mainipin ako."
 
Raymart Santiago vs. Claudine Barretto
 
 
Hulyo noong nakaraang taon nang magsimula ang alitan sa pagitan nina Raymart Santiago at Claudine Barretto matapos nilang tuldukan ang pagsasama bilang mag-asawa. 
 
Inakusahan ng aktres si Raymart ng pananakit, na mariin namang itinanggi ng aktor. Naglaban din sa korte ang dalawa para sa kustodiya ng kanilang mga anak na sina Santino at Sabina.
 
Marami mang kaibigan sa showbiz na umaasa at humihiling na magkaayos na ang dalawa, umabot na nga ng sumunod na taon ang kanilang alitan.
 
Noong nakaraang taon pa lamang, naglalabas na si Claudine ng mga patunay umano ng pananakit ng dating asawa, at nagpatuloy nga ito ngayong taon. Noong Hulyo ngayong taon, ipinakita ng aktres sa publiko ang kanyang mga sugat at pasa na bunga raw ng pananakit ng dating asawa
 
Ayon naman sa kampo ni Raymart, ang tinamong sugat at pasa sa mukha ni Claudine ay hindi sanhi ng pambubugbog ng aktor kundi isang “post-surgical procedure.”
 
Sa kabila ng walang humpay na sagutan, inilahad ni Claudine noong Agosto na muli na silang nagkakausap ng dating asawa. Naganap ito sa birthday celebration ng kanilang bunsong anak na si Santino.
 
Nananatiling may problema ang dalawa ukol sa pagbisita ni Raymart sa mga anak, ngunit matapos ang higit sa isang taon, sinabi ng kampo ni Claudine at Raymart na bukas na sa pakikipag-ayos ang dalawa at malapit nang matapos ang problemang pinagdaraanan nila. 
 
Derek Ramsay vs. estranged wife Mary Christine Jolly
 
 
Sinampahan ng kasong paglabag sa  Republic Act 9262 o Violation Against Women and their Children Act ang aktor na si Derek Ramsay ng kanyang estranged wife na si Mary Christine Jolly dahil umano sa pagpapabaya nito sa asawa at sa 11-year-old na anak na lalaki. 
 
Iginiit naman ng kampo ng aktor na hindi totoo ang bintang ng dating asawa, ngunit inamin nito na toto ngang mayroon siyang asawang pinakasalan noong 2002 at nagkaroon sila ng anak na 11 years old na ngayong taon. Gayunpaman, hindi raw alam ni Derek na valid pala ang kasal na iyon. Noong 2011 niya lang din umano napagalamang anak niya nga si Austin. Nagsampa ng counter-affidavit ang aktor kaugnay ng reklamo ni Mary Christine. Dito niya inihayag na selosa at may suicidal tendency daw ang dating misis.
 
Hindi natuloy ang planong settlement ng dalawa matapos magkita ang mag-ina at si Derek noong Setyembre at mapag-usapan magiging laman ng kasunduan patungkol sa child support, annulment, visitation right at citizenship. 
 
Nasundan ito ng paghahain ng kasong concubinage ni Mary Christine laban kay Derek at sa dati nitong kasintahang si Angelica Panganiban noong Oktubre. Ito ay matapos mapag-alaaman ng dating asawa ng aktor na nag-live in ang dalawa sa Parañaque sa loob ng limang taon.  Iginiit naman ng kampo ni Derek na isa itong uri ng harassment upang mapagbigyan ang gusto ni Mary Christine.
 
Kalaunan, iniurong ni Mary Christine ang kasong paglabag sa RA 9262 laban kay Derek na naka-file sa Makati Prosecutor's Office upang ihain muli ito sa Department of Justice. Nasundan ito ng pag-urong niya ng concubinage complaint laban sa dating asawa at kay Angelica.
 
Noong huling bahagi ng Oktubre, nagkasundo na ang dalawang kampo para sa kanilang anak na si Austin. Nilalaman ng kasunduan sa pagitan ng dalawa ang usapin tungkol sa pagsasaayos ng conjugal properties nina at pati na rin ang karampatang sustento ng aktor para sa 11-taong-gulang nilang anak. Simula noon ay nagkaroon na ng pagkakataong maging ama ang aktor sa kanyang nag-iisang anak.
 
Davao City vs. Ramon Bautista
 
 
Hindi ikinatuwa ng mga mamamayan at mga opisyal ng Davao City ang pagbibiro ng komedyanteng si Ramon Bautista. Ito ay matapos niyang tawaging "hipon" ang mga kababaihan ng lungsod sa isang event sa Kadayawan Festival noong Agosto. 
 
Hindi ito pinalagpas ni Davao City Vice Mayor Paolo "Pulong" Duterte at agad niyang kinausap ang komedyante, na humingi naman agad ng tawad noong araw ding iyon.
 
Sa kabila nito, idineklara pa ring 'persona non grata' si Ramon ng Davao City Council. Humingi man ng paumanhin, marami pa rin umanong grupo ang humihiling na huwag na muling pabalikin sa lungsod ang komedyante dahil sa kawalan nito ng respeto sa mga mamamayan ng Davao. Nirespeto naman ni Ramon ang desisyon ng city council. 
 
Kalaunan, nakumbinse si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa paumanhing pinaaabot ng komedyante. Nagpadala pa nga raw ng sulat ang alkalde kay Ramon na nagsasabing “Ramon, Mabuhay Ka!” na nai-post naman ng komedyante sa kanyang Instagram account. 
 
Dahil sa nangyaring insidente, magiging mas maingat na umano si Ramon sa pagpapatawa. Kasalukuyang persona non grata pa rin siya sa Davao ngunit umaasa siyang matatapos na ito lalo na at nakakapag-usap na sila ni Mayor Duterte. 
 
Pagwawala ni Billy Crawford
 
 
Na-detine ang TV host at singer na si Billy Crawford matapos ang pagwaala sa isang presinto sa Bonifacio Global City noong nakaraang Setyembre. Ito ay matapos ang isang prestihiyosong awards night na dinaluhan niya kasama ang kasintahang si Coleen Garcia.
 
Dumating daw uamno si Billy sa Police Community Precinct 7 na gustong magpa-detine. Nang mapag-alamang walang detention cell na libre noon sa istasyon, ninais ng TV host na magpadala sa headquearters. Nagalit umano ito nang malamang walang mobile cars na makapagdadala sa kanya sa headquarters. Nabasag ni Billy ang sliding door ng presinto. Ayon pa sa mga pulis na naroon, natulak sila nito.
 
Sinampahan ng kasong malicious mischief at disobedience to a person in authority si Billy, ngunit nakapagpiyansa rin ito agad at nakalaya. 
 
Humingi ng paumanhin ang TV host sa kanyang inasal, at inamin ang pagkakabasag ng pinto ngunit hindi ang pananakit sa kahit sinoman na naroon sa presinto nang maganap ang insidente. 
 
Heart Evangelista's wedding venue
 
Sandaling nagkaroon ng isyu habang naghahanda ang aktres na si Heart Evangelista at ang fiance nitong si Sen. Chiz Escudero para sa kanilang nalalapit na kasal sa Pebrero dahil sa nagkaroon umano sila ng kasabay sa wedding venue sa Balesin Island Club sa Quezon Province. 
 
Nagsimula ito sa post ng isang post ng Facebook user na si Ria Gamboa tungkol sa diumano’y pagka-bump off ng dapat sana’y kasal ng kanyang kaibigan sa Balesin dahil sa umano’y planong pagpapakasal ng isang celebrity-politician couple. Hindi man pinangalanan ang nasabing magkasintahan, maraming nagsuspetsa sa comment thread ng nasabing post na sina Chiz at Heart ang tinutukoy nito.
 
Itinanggi naman ni Heart na mayroon silang nasagasaang wedding day. Aniya, ayaw niyang maging dahilan ng kalungkutan ng isnag kapwa-bride. Itinanggi rin ito ni Escudero at sinabing hindi pa sila nakapipili ng venue at araw ng kasal noong mga panahong iyon. 
 
Nilinaw rin ng may-ari ng resort na si Roberto Ongpin na walang nasagasaang kasal ang dalawa. Inirekomenda lamang raw niya na gawin sa kanilang resort ang kasal dahil kaibigan niya ang magkasintahan.
 
Paglilinaw naman ni Cesca Litton, ang bride-to-be ng kasal na nasagasaan umano nina Heart at Chiz, “The issue here is not Heart nor Chiz, it's the way Balesin handled it.” 
 
Naresolba rin ang isyung ito at matutuloy na nga ang kasalang Chiz at Heart sa Balesin sa February 15, 2015, isang araw matapos ang ika-30 kaarawan ng dalaga. 
 
Pambubugbog kay Maegan Aguilar
 
 
Inilahad ng kaibigan ni Maegan Aguilar ang pambubugbog ng live-in partner ng singer na si Alexander Sanchez noong Nobyembre sa pamamagitan ng isang social media site. 
 
Matagal na umanong binubugbog ni Ali si Maegan ngunit naging malala ang kondisyon ng singer nitong huling beses kaya minarapat niyang ilahad na ito sa publiko upang magkamit ng hustisya sa pakiusap na rin ni Maegan. 
 
Nagsampa ng kaso si Maegan laban kay Ali ngunit iniurong niya ito dahil sa pakikiusap ng ina ng kanyang live-in partner na bigyan muna ng pagkakataon ang anak na sumailalim sa rehabilitation program at ayusin ang kanyang buhay.

Ngunit ilang oras lamang matapos nito, pinag-isipan muli ng singer na magsampa ng kaso dahil itinanggi ng pamilya ni Sanchez na nangyari ang pambubugbog.
 
Kamakailan lamang, nakibahagi si Maegan sa kampanya kontra karahasan sa kababaihan bilang bahagi ng paggunita ng National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women na pinangunahan ng Gabriela at ilan pang women's rights group. — JST, GMA News