Robin Padilla at Dennis Padilla, nanligaw noon ng fans
Isa sa mga patok na tambalan bilang bida at sidekick sa mga action-comedy film ang samahan nina Robin Padilla at Dennis Padilla. At dahil matagal ang kanilang naging pagsasama, marami rin silang mga sikreto na ibinahagi nila sa Tonight with Arnold Clavio.
Kuwento ni Robin, siya mismo ang pumili kay Dennis na maging sidekick sa pelikula dahil anak ito ng namayapang komedyante na si Dencio Padilla. Ang kanilang samahan sa showbiz, nauwi na sa tunay na pagkakaibigan.
Nasaksihan nila ang pag-angat at pagbaba ng kani-kanilang mga career, ang mga hamon at tagumpay ng personal na buhay, at maging ang kanilang mga pinagdaanan pagdating sa love life.
Sa isang episode ng "Tonight with Arnold Clavio," nabuking ng host na hindi man nahuli si Robin kailanman na may ibang ka-date, dalawang beses namang nahuli ang sidekick nitong si Dennis.
Biro ng komedyante kay Robin, “Wala ka no'n. Ang kinuha mong sidekick si Niño Muhlach. Tapos napahamak ulit ako kasi ang kinuha mo namang sidekick si Bayani Agbayani.”
Gayunpaman, hindi naman daw nangyari na umiibig sa iisang babae ang dalawa. Hindi pa rin umano sila nagkakaaway o nagkakatampuhan dahil sa babae.
Aminado sina Dennis at Robin na minsan na silang umiyak dahil sa babae sa kabila ng tigasing image nila sa pelikula at telebisyon.
Ayon sa action star, “Aminado ako na kailanman hindi ko kayang sabihing mas malakas ako sa mga babae.”
Pinatibay naman si Dennis ng mga hamon sa relasyon na hinarap niya.
“Una kong relasyon, nahiwalay ako. Dalawa anak ko. Yung pangalawang relasyon ko, nahiwalay ulit ako. Tatlo naamn ang anak ko. Dun sa dalawang pinagdaanan ko, naging mas matibay na ako,” aniya.
Minsan na rin palang nanligaw ng tagahanga ang dalawa.
Kuwento ni Dennis, panahon ng 'Lunch Date' noong niligawan niya ang isang fan ng singer-actor na si Randy Santiago.
“Yung ibang fans, nagkakagusto kay Randy. Yung iba type niya, pero merong iba hindi type ni Randy. Sa akin nagka-type,” natatawang balik-tanaw ni Dennis. -- BRDabu/FRJ, GMA News