ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Chiz and Heart: Against all odds love story

(Photo by Danny Pata)
Ang pag-iibigang Sen. Francis "Chiz" Escudero at Heart Evangelista ang masasabing isang halimbawa ng kawikaang, "O, pag-ibig na makapangyarihan, 'pag ikaw ay nasok sa puso nino man hahamakin ang lahat masunod ka lamang."
Sa Linggo, Pebrero 15, seselyuhan nina Chiz at Heart ng salitang "I do," ang ipinaglaban nilang pag-iibigan sa romantikong isla ng Balesin sa Quezon.
Maaaring naging maigsi ang kanilang ligawan pero mahaba at mabigat naman ang pinagdaang pagsubok ng kanilang pag-iibigan para mapatunay na para sila sa isa't isa.
Hulyo 2012 nang unang aminin ni Sen Chiz sa publiko ang tungkol sa annulment sa kasal nila ng kaniyang unang asawa na si Christine, kung saan mayroon silang kambal na anak.
Basahin: Senator Chiz Escudero confirms annulment
Ang annulment ang nagwakas sa pagsasama nina Chiz at Christine bilang mag-asawa matapos silang ikasal noong 1999, limang taon makaraan ang una nilang magkakakilala.
Kung hiwalay sa asawa si Chiz, broken-hearted naman si Heart matapos ang paghihiwalay nila ng boyfriend na si Daniel Matsunaga.
Bagaman may usap-usapan na tungkol sa kanilang breakup, naging malinaw na natapos na ang mahigit isang taong relasyon nina Heart at Daniel sa pamamagitan ng post nila sa kani-kanilang social media account noong Abril 2014.
BASAHIN: Heart Evangelista and Daniel Matsunaga hint at breakup on Twitter
At pagsapit ng Oktubre 2012, inihayag ng senador sa isang television show na "sila na" ni Heart.
Sa mga naging panayam kina Chiz at Heart, inamin nila na si Sen Miriam Defensor Santiago ang naging tulay para sila magkakilala nang lubusan.
Basahin: Chiz: Heart 'definitely' has the qualities he wants in a long-term partner
Pero aminado naman si Heart na noon pa man ay "crush" na niya ang senador nang una niya itong makita ng personal sa isang restaurant.
Ang pag-amin sa publiko ng dalawa tungkol sa kanilang pag-iibigan ay kaagad sinubok nang isapubliko rin ng mga magulang ni Heart ang pagtutol nila kay Chiz.
BASAHIN: Heart Evangelista's parents want Sen Chiz Escudero to leave their daughter alone
Marso 2013 nang mapaulat ang magbabanta ng mga magulang ni Heart na idedemanda si Chiz dahil ito ang naging ugat ng gulo sa kanilang pamilya.
BASAHIN: Heart's parents to file charges vs Chiz, who is 'source of family feud'
Hindi lang sa puso ni Chiz ang epekto ng pagtutol ng mga magulang ni Heart, kung hindi maging sa karera nito sa pulitika.
May mga alegasyon at intriga na gagamitin lang ng senador para sa ambisyong pulitikal ang Kapuso actress. Nang panahong iyon, reelectionist o tatakbo muli siyang senador sa May 2013 mid-term elections.
At kahit tatlong taon pa ang layo, may mga nagsasabing ang pakikipagrelasyon nito kay Heart paghahanda raw ni Chiz sa planong pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 presidential elections.
Ngunit natapos ang 2013 elections, nanalo muling senador si Chiz at kahit minsan ay hindi niya isinama sa kampanya si Heart.
Pinili rin ni Chiz na manahimik at hindi magsalita patungkol sa naging sigalot ni Heart sa kaniyang mga magulang.
"Maayos at matatag ang samahan at ugnayan namin ni Heart at tinuturing ko lamang ito bilang isang hamon at pagsubok sa relasyon namin kung saan, buo ang pag-asa ko na, ito ay malalampasan namin," pahayag noon ni Chiz sa isang panayam.
Pagsapit ng 2014, nakita ang lalong pagtibay ng kanilang pagmamahalan.
Sa birthday celebration ni Heart sa Startalk noong Pebrero 2014 kung saan isa siya sa mga host, surpresang nag-guest si Chiz.
Dito ipinahiwatig ng dalawa na sa kasalan na mauuwi ang kanilang pag-iibigan.
Marso 2014 nang ihayag ni Heart na nakikita niya ang sarili na magiging "Mrs. Escudero."
Inihayag din ng aktres ang plano nila ng nobyo na magbakasyon sa Paris, France. Aniya, kung sino ang lalaking makakasama niya sa "City of Love," iyon na ang kanyang pakakasalan.
BASAHIN: Heart Evangelista, gustong maging Mrs. Escudero
At nangyari ang bakasyong iyon sa buwan ng Hunyo. Gayunman, walang wedding proposal na nangyari.
Naganap ang surpresang wedding proposal ni Chiz kay Heart sa lalawigan ng senador sa Buhatan, Sorsogon, na inakala ni Heart na simpleng pamamasyal lang.
Naging tagumpay ang surpresa ni Chiz sa tulong ng mga kaibigan ni Heart na kaniyang kinasabwat sa pagpaplano.
Sa Linggo, magsisimula ng panibagong yugto ng kanilang pagmamahal ang 45-anyos na si Chiz at 30-anyos na si Heart sa kanilang kasal na dadaluhan ng mga pinakamalalaking pangalan, hindi lang sa pulitika kung maging sektor ng showbiz, media at business.
BASAHIN: Kilalanin ang principal sponsors sa Chiz-Heart wedding
Basahin: Heart's emotional message to dad who won't be attending her wedding
Bagaman nakuha ni Heart ang basbas ng kaniyang mga magulang para sa kaniyang kasal, inihanda niya ang sarili sa posibilidad na maglakad na mag-isa papunta sa altar. Pero sino ang makapagsasabi, ang buhay at pag-ibig ika nga ay puno ng surpresa. -- FRJimenez, GMA News
More Videos
Most Popular