WATCH: Dating heartthrob ng 'That's Entertainment', 2 taon nang nakakulong
Hindi batid ng marami, dalawang taon nang nakakulong dahil sa kasong illegal drugs ang isang dating heartthrob sa sikat noon na youth oriented TV show na That's Entertainment, at miyembro rin ng sikat na trio na 'Quamo' na umawit ng kantang "Sumpa Ko," na Pinoy version ng "I Swear."
Sa episode ng Startalk nitong Sabado, nakapanayam sa Pasig City jail si Ronnel Wolfe, anak ng tinaguriang Philippine Jazz Queen na si Annie Brazil, at kapatid naman ng singer-businessman na si Richard Merk at dating beauty queen na si Rachel Anne Wolfe-Spitaletta, na naging singer-actress din noon.
Nang aktibo pa sa showbiz, naging miyembro si Ronnel ng trio na "Quamo" kung saan kasama niya sina Romano Vazquez at Edgar Tejada.
Hindi idinetalye ni Ronnel ang kinasangkutang kaso dahil nakabinbin pa ito at dinidinig sa korte.
Pag-amin niya, noong nasa showbiz siya ay may nararamdaman siyang kulang sa kaniyang buhay na kaniyang hinahanap.
"Merong butas sa puso ko e, may hinahanap ako... hindi sapat sa akin ang palakpak ng tao," ani Ronnel. "Oo nagkamali ako. Marami rin akong mga dinanas sa aking buhay, napakarami at isa na nga ito."
Kung anuman ang hinahanap noon ni Ronnel nang malaya pa siya, tila nahanap niya ito nang makulong siya.
"Okey na okey ako. Masasabi ko na gustong-gusto ko ang pagkatao ko ngayon," pahayag ng dating miyembro ng That's.
"Para sa akin, ang kagila-gilalas na bagay is kung papaano matagpuan ang kaligayahan sa mga bagay na alam nating masalimuot , at kung papaano mo maranasahan ang kapangyarihan ng Panginoon, gumagalaw sa buhay mo, sa puso mo," paliwanag niya.
Mensahe sa pamilya
Hindi naman ikinaila ni Ronnel na matagal na panahon na rin niyang hindi nakikita ang ina at mga kapatid.
Ayon sa Startalk, tanging si Richard na lang ang nasa Pilipinas dahil nasa states na ang ina nila at si Rachel.
"Siguro isa rin ito sa reason kung bakit ako pumayag sa interview na ito, it is because to reach out to them," ani Ronnel.
Ngunit kahit walang komunikasyon sa pamilya, naniniwala si Ronnel na batid ng kaniyang mga mahal sa buhay kung nasaan siya.
Naiisip ni Ronnel na maaaring ang dahilan kung bakit hindi siya nadadalaw ng mga kapatid ay dahil sa hindi siya nagtagumpay sa buhay. Bagay na kaniyang inihingi ng paumanhin.
"Maybe to their eyes, sa mga mata nila, sa palagay nila I'm a failure," sambit nito.
Ngunit sa kabila ng pagkabigo sa buhay, sinabi ni Ronnel na masaya siya dahil kahit papaano ay natagpuan niya ang kaniyang hinahanap na katahimikan.
"Kung hindi rin nangyari sa akin ito baka hindi ko rin natagpuan yung hinahanap ko...nalayo man ako sa aking mga mahal sa buhay nung nakulong ako, pero napalapit ako sa Kanya," pahayag ni Ronnel.
Nakangiting mensahe ni Ronnel sa kaniyang pamilya, "Siguro kung gusto nila akong makita, nandito lang ako."
Naniniwala siyang darating ang panahon na muli silang magkikita-kita at magkakasama-kasama ng kaniyang pamilya. -- FRJ, GMA News