Bakit hindi pa nagpapakasal sina Ara Mina at Patrick Meneses?
Matapos maisilang ang kanilang panganay na anak noong December 2014, marami ang nagtatanong kung kailan naman magpakasal ng aktres na si Ara Mina at ang long-time partner nito na si Bulacan mayor Patrick Meneses.
Sa isang panayam sa Powerhouse noong nakaraang linggo, inamin ng dalawa na bahagi talaga ng plano nila na magkaroon muna ng anak bago magpakasal.
Ayon kay Ara, isa ring dahilan ang edad nila. Thirty six years old na ang aktres, habang 37-anyos naman ang alkalde.
Ayaw na raw nilang pagtuunan ng pansin kung hindi man maganda ang tingin ng iba sa kanilang naging desisyon.
“We just wanted to have a baby, and siyempre, it's born out of love. Marriage will follow,” pahayag ni Patrick.
Pabirong dagdag pa niya, “[Marriage] will come. Hindi ko na lang sasabihin kung kailan para may element of surprise.”
Ipinanganak noong December 17, 2014 ang kanilang baby girl na si Amanda Gabrielle, na pangalawang anak na sana nina Ara at Patrick kung hindi "nakunan" ang aktres sa una nitong pagbubuntis.
Kaya naman, malaking biyaya para sa kanila ang pagdating ni baby Mandy lalo na at dumating siya halos sakto sa isang taon matapos mawala ang una sanang anak ng magkasintahan.
“The perfect gift this Christmas! Our Mandy... Thank you Father for the safe delivery of our healthy baby girl. There's nothing more I can wish for. We are truly blessed. A very merry Christmas indeed! Thank you for all the prayers,” ayon kay Ara sa naunang pahayag.
Kwento naman ni Patrick tungkol sa pagdating ni baby Mandy, “Sobrang excited. Unexplainable pala talaga kapag magkakaroon ka ng baby.”
Kasunod nito, naging hands-on dad ang alkalde sa kanilang munting anghel.
“Minsan pinapatulog ko na siya, kasi hindi niya matiis na naririnig niyang umiiyak. Nasa room kasi namin,” pagbabahagi ni Ara.
Sa kabila ng pag-ikot ng kanilang mundo sa kanilang anak, sinisiguro pa rin ng dalawa na hindi nila napababayaan ang kanilang career.
Patuloy si Ara sa kanyang baking business kung saan sikat raw sa kanyang customers sa online community ang kanyang red velvet cookies and cupcakes, pati na rin sa pagbebenta ng mga pampaganda sa ilalim ng pangalang “Ara's Secret.' -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News