ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Cesar Montano to his daughters: 'Stay with the truth'
Bumuwelta ang aktor na si Cesar Montano sa panibagong reklamo ng kanyang dating asawang si Sunshine Cruz.
Matatandaang ilang linggo na ang nakakaraan, muling nagsampa ng kaso ang aktres dahil umano sa ginawang kalaswaan ng dating mister sa harap ng kanilang mga anak.
Nauna nang itinanggi ni Cesar ang pahayag, at muling pinabulaanan ang reklamo nang makapanayam ng 24 Oras matapos humarap sa isang pagdinig sa Quezon City Regional Trial Court Branch 107 kaugnay sa custody case sa kanilang tatlong anak na babae.
Aniya, maaaring iba ang dahilan sa likod ng pagsasampa ng kaso ni Sunshine.
“Tinanggihan ko kasing ibigay sa kanya ‘yung property kasi I play golf pero binibigyan ko.. ang kapalit nun house and lot doon sa Las Pinas. Hindi niya tinanggap, tapos gagawa siya ng ganitong kuwento kaya naaasar ako. Hindi ko pinirmahan ‘yung compromise agreement kaya gumawa siya ng ganyan.”
Sa kabila nito, lumagda pa rin ang aktor sa compromise agreement para sa hatian ng kanilang ari-arian sa nasabing pagdinig na hindi naman nadaluhan ni Sunshine.
Itinanggi naman ng kampo ng aktres ang paratang ni Cesar.
Ayon kay Atty. Bonifacio Alentajan, abogado ni Sunshine, “Lumabas na lang ‘yan nung matapos nang ma-file ‘tong mga kaso. Hindi sa ibig sabihing dahil gusto maghati eh wawasakin ni Sunshine ang marriage nila. No. Nawasak na muna.”
Bukod pa sa isyu sa ari-arian, iginiit rin ni Cesar na hindi siya pinapayagan ng dating misis na makita ang kanilang mga anak sa kabila ng visitation rights na ipinagkaloob sa kanya ng korte.
Dagdag pa ng aktor, noong Disyembre pa ng nakaraang taon nang huli niyang makita ang mga anak, at noong mga pagkakataon ito, hindi naman daw takot ang mga anak niya sa kanya.
Pinabulaanan naman ito ng kampo ng aktres at sinabing tinanggalan na si Cesar ng karapatang makita ang mga bata at inilagay na ang full custody kay Sunshine.
“Inaalis kay Cesar ‘yun magbisita-bisita eh. Tinanggal. Ang full custody na kay Sunshine. Ngayon may nangyayari after that. Pwedeng magbisita o dumalaw si Cesar, may nangyari. Dahil sa pangyayari na ‘yun, binabawalan na naman siya ng husgado,” ani Alentajan.
Samantala, nagpaabot ng mensahe si Cesar sa kanyang mga anak kaugnay ng mga isyung kinahaharap ng kanilang pamilya: “Your father will still be the same. Stick with the truth. Do not allow anybody to teach you how to lie. Please pray for daddy, please pray for mommy. Pray for our family. Stay with the truth.” —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News
Tags: cesarmontano, sunshinecruz
More Videos
Most Popular