ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Yexel Sebastian, naniniwala na mananatiling kasama nila ang pumanaw na kapatid na si Jam


Ilang oras lamang makaraang pumanaw si Jam Sebastian ng YouTube sensation na "JaMich," dahil sa sakit na lung cancer, nag-post sa social media si Yexel Sebastian ng mga mensahe kung gaano niya hinahangaan ang namayapang kapatid.
 
Ibinahagi ni Yexel kung paano siya natulungan ni Jam na matupad ang kaniyang mga pangarap, pati  na ang ibinigay nitong inspirasyong sa kaniya nang gawin nila ang online short films at video blogs ng fiancé ni Jam na si Mich Liggayu.
 
“Bukod sa sarili mong pangarap, naiahon mo ako para tuparin din ang sarili kong pangarap na hindi ko naman naabot mag-isa. Ikaw ang dahilan kung bakit kahit papaano, meron nang nasimulan si kuya,” ayon kay Yexel sa isang Facebook post na may kasamang larawan nila ni Jam sa kanilang pagkabata.
 
Dagdag pa ni Yexel, “Marami kang tinulungan mga kapwa nating Pilipino; kung paano umibig ng tapat at tama. Marami kang ininspire pinasaya at pinakilig, marami ang tinularan ka na pwede palang maging daan ang YouTube para makapasok sa telebisyon. Maraming tao ang nagmahal sayo.”
 
Dahil umano sa mga naiwang alaala ni Jam hindi lamang sa kanilang mag-anak at kay Mich kundi sa marami pang tao na naabot ng kanilang online entries, masaya na si Yexel.
 

 
 

Hindi rin umano iniisip ni Yexel na malas ang pagkawala ng kapatid, at naiwan na lang sila ng kanilang ina na si mommy Maricar.
 
Naniniwala si Yexel na mananatiling kasama nila si Jam para bantayan sila at tiyaking malayo sa kapahamakan at magkaroon ng magandang buhay.
 
“Pwede kong isipin na tatlo na nga lang kami nawala pa si Jam, malas naman, pero puwede ding umalis si Jam para bantayin kami ng may mas malakas na pwersa. Mailalayo nya kami sa kahit anomang panganib, at mas magiging maayos ang buhay namin dahil palagi syang nandiyan,”  saad ng nakatatandang kapatid ni Jam.

 

 
Pabirong dagdag pa niya, “Malay mo biyayaan nya na tayo at magpakarami hehe. I love you tol. Mahal ka namin ni Mama, at alam ko na nandiyan ka lang sa paligid palagi para maging anghel namin. Salamat tol ha. 'Yung sinakripisyo mo ay napakalaki para sa pagmamahal mo sa lahat.”
 
Sa hiwalay na post, ipinaalam ni Yexel na nakahimlay ngayon ang mga labi ni Jam sa Loyola Memorial Chapel sa Sucat, Parañaque, sinabi rin ni Yexel na dapat ay maging masaya ang lahat dahil matapos ang halos isang taong paghihirap ni Jam sa pakikipagbuno sa sakit, at nakapagpahinga na ito kasama ang Panginoon. -- FRJ, GMA News