Bodyguard ni Ed Sheeran, nag-sorry sa pagtawag ng 'monkey' sa isang photographer
Excited na ang fans sa gaganaping concert ng British singer-songwriter na si Ed Sheeran sa Pasay City mamayang gabi, Huwebes.
Sa ulat ng "Starbites" ng GMA News TV's Balitanghali, sinabing pagdating pa lang sa NAIA Terminal 3 nitong Miyerkules, dinumog na si Sheeran ng kaniyang mga tagahanga.
Dahil sa pagdumog ng fans, mahigpit ang naging pagbabantay sa kaniya ng kaniyang mga bodyguard.
Pinipigilan nila na makunan ng larawan at video ang singer na nagpasikat ng kantang "Thinking Out Loud."
Dahil sa tensyon, isa sa mga local photographer ang tinawag na "monkey" ng isa sa mga bodyguard ng singer.
Kaagad naman kinausap ng mga Immigration personnel ang bodyguard at humingi naman ito ng paumanhin.
Nagpasalamat naman sa kaniyang fans si Sheeran dahil sa mainit na pagtanggap sa kaniya. -- FRJ, GMA News