Dennis Padilla, umaasang iuurong ni Julia Barretto ang petisyon na magpalit ng pangalan
Hindi man natuloy ang pagdinig ng korte nitong Biyernes ng Quezon City tungkol sa petisyon ng young actress na si Julia Barretto na magpalit ng pangalan, umaasa pa rin ang kaniyang ama at aktor na si Dennis Padilla na hindi na itutuloy ng anak ang naturang plano.
Sa episode ng Startalk nitong Sabado, Marso 28, sinabing nakapanayam si Dennis matapos ang ang pagdinig sa Quezon City Hall of Justice kaugnay ng petisyon noon ni Julia na alisin sa kaniyang legal name ang tunay nitong apelyido na Baldivia, at magamit ang apelyido ng ina na si Marjorie Barretto.
Baldivia ang tunay na apelyido ni Dennis.
Ayon kay Atty. Mike Ramirez, abogado ni Dennis, may posibilidad na magkasundo ang magkabilang panig pero kailangang magsumite ng formal petition to withdraw ang kampo ni Julia.
Sinabing napagkasunduan na iurong sa Mayo ang susunod na pagdinig tungkol sa petisyon ni Julia.
Sinabi naman ni Dennis na nakausap na niya ang anak tungkol sa naturang hakbang pero hindi pa raw nakakausap ng young actress ang kaniyang mga abogado.
"Sabi ko lang kay Julia, 'Julia kasi narinig ko lang sa news tsaka dun sa interview mo na hindi mo na itutuloy yung change of name.' Tapos sabi ko, 'I think kailangan mo yatang kausapin yung mga lawyer para magkaroon ng withdrawal ng petition," kuwento ng aktor.
"Sabi niya sa akin hindi pa raw sila nagkikita-kita o hindi pa sila nagmi-meet ng mga lawyer," dagdag ni Dennis.
Sakaling matuloy ang paghahain ng petition for withdrawal, umaasa si Dennis na isasabay na ang paghahain ng petisyon na iurong na rin ang isa pang petition for change of name ng isa pa niyang anak na si Claudia.
"Sana yung kay Claudia isabay na para...siyempre abala sa both parties 'di ba," ayon pa sa komedyante.
Pag-amin ni Dennis, mas mahirap ipaliwanag kay Claudia ang usapin ng petisyon dahil mas bata ito kaysa kay Julia, na nagdiwang kamakailan ng kaniyang 18th birthday.
Ang naturang kaarawan ni Julia ang nagbigay-daan para muling makapag-usap ang mag-ama.
Gayunman, kahit lumilinaw ang pagkakasundo ng mag-aama, aminado naman si Dennis walang katiyakan kung magkakasundo pa sila ng kaniyang estranged wife na si Marjorie.
Giit ni Dennis, tanging sa kaniyang mga anak lang siya magre-reach out.
"Wala sigurong chance na mag-usap kami (ni Marjorie) kasi kumbaga sa radyo iba frequency namin, AM ako, FM siya," paliwanag ni Dennis. "Hindi ko kailangang mag-reach out sa kaniya, sa mga anak ko kailangan kong mag-reach out talaga." -- FRJ, GMA News