Kris Aquino, ipinagmalaki ang mga nagawa ni PNoy sa HS graduates na benepisaryo ng 4Ps
Kabilang sina Dingdong Dantes at Kris Aquino sa mga personalidad at opisyal ng gobyerno na dumalo sa pagdiriwang kaugnay ng pagtatapos sa high school ng libo-libong kabataang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing ang mga mag-aaral na dumalo sa selebrasyon sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ay unang batch pa lang ng mga beneficiary ng 4Ps sa bansa.
Mismong ang Kapuso Primetime King at Commissioner-At-Large ng National Youth Commission na si Dingdong Dantes ang naghatid sa entablado sa mga high school honor student.
Matagal nang binabatikos ang naturang anti-poverty program ng pamahalaan na pinapangasiwaan ng Department of Social Welfare Development (DSWD), dahil sa nagkakaloob ng buwanang tulong pinansiyal sa mga mahihirap na pamilya sa halip na trabaho ang ibigay.
Pero para sa mga bagong graduate, binago umano ng 4Ps ang buhay nila. Sa mala-talk show na bahagi ng programa na pinangasiwaan ng bunsong kapatid ni Pangulong Benigno Aquino III na si Kris, ibinida nito ang mga nagagawa ng administrasyon ng kaniyang kuya.
Hindi naman nabigo si Kris matapos ihayag ng isang mag-aaral na; "Kami dito, we are the clear manifestation na yung mga buwis sa gobyerno is napupunta naman sa magandang cause."
Ang naturang pahayag ng mag-aaral ay labis na ikinatuwa ni Kris; "Oh my God yayakapin na kita d'yan, napakabongga ng sinabi mo."
"In behalf of PNoy thank you. Thank God kasi maganda 'yon, ikaw ang patunay 'di ba na maganda [ang] trabaho na ginagawa niya [PNoy]. Kasi minsan nakakalimutan n'yo 'di ba? Kasi puro masasamang balita na lang," paliwanag ng TV host-actress.
Samantala, ang isa pa sa mga estudyante na nagtapos na si Alyanah Terita, ipinagpapasalamat ang natanggap na P500 na buwanang allowance mula sa 4Ps.
Malaking tulong daw ang naturang halaga na ibinibigay ng DSWD dahil nasa P200 lang daw kada-araw ang kinikita ng kaniyang mga magulang sa pagbebenta ng ihaw-ihaw.
Si Terita ang naging valedictorian sa Pasay Science High school.
Ngayong nalampasan na ang high school, panibagong pagsubok naman ang susuungin ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang sa kolehiyo.
Bagaman natanggap si Terita sa kursong Civil Engineering ng UP-Diliman, nangangamba ang kaniyang ina na baka may bayarang matrikula ang kaniyang anak.
Paliwanag ng ina, hindi pa nila alam kung magkano ang babayarang matrikula dahil hindi pa nila alam kung saan bracket papasok ang kaniyang anak, at wala pa umanong full scholarship para sa engineering sa UP.
Ayon sa ulat, nasa 11 milyong kabataan ang tumatanggap ng allowance mula sa 4Ps sa buong bansa, at 16,000 sa mga benipisaryo ay nagtapos ng high school ngayong taon.
Halos 100 sa mga nagtapos na high school student na benepisaryo ng 4Ps ay naging honor students umano. -- FRJ, GMA News