Willie Revillame reveals terms of GMA-7 deal: No casino, no political involvement
Kasunod ng pagbabalik sa Kapuso Network ng television host at aktor na si Willie Revillame at ang nalalapit na pag-ere ng kanyang game show na “WowoWin” sa susunod na buwan, inilahad nito ang ilan sa mga probisyon sa pinirmahan niyang kontrata sa GMA, kabilang na ang "no casino" at "no political involvement" clauses.
Ayon kay Willie sa isang panayam sa 'Kapuso Mo, Jessica Soho' nitong Linggo, hindi niya itinatangging nahumaling siya sa paglalaro sa casino, ngunit kailanman daw ay hindi siya nag-ubos ng pera dito.
“Nagca-casino, yes. Tatanggapin kong totoo 'yan. Naglibang lang ako. Pinakiramdaman ko lang kung ano ang meron kasi hindi ako sanay diyan. Na-challenge ako, nagsugal. Part ng buhay ng tao 'yan, pero hindi ako magpapaubos sa casino,” aniya.
Hindi man niya inilahad ang kabuuang halaga ng mga natalo at naipanalo niya sa casino, nilinaw naman ng TV host na hindi na niya ito itinuturing na bahagi ng kanyang buhay.
Bukod sa personal niyang desisyon na umiwas na sa pagsusugal, nakasaad rin umano sa pinirmahan niyang kotrata sa GMA na bawal na siyang mag-casino.
Paliwanag niya, “Tinigilan ko na kasi una, bawal na sa akin. In my contract with GMA, hindi na puwede. Sa sarili ko na din, sinabi ko, kasi pangit, hindi ba?”
Nakasaad rin sa kontrata na bukod sa pagbabawal sa pagsusugal, hindi rin umano maaaring maging bahagi si Willie ng anomang political propaganda na maaaring gamitin ang kanyang show para sa promotion. -- Bianca Rose Dabu/JST, GMA News