ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

After two failed marriages, Willie Revillame admits being lonely


Sa kabila ng kaniyang mga tagumpay sa showbiz, malaking kakulangan pa rin umano sa buhay ni Willie Revillame ang hindi kailanman mapupunan ng kanyang kayamanan at mga ari-arian.

Dalawang beses ikinasal si Willie, una sa aktres na si Princess Punzalan at sumunod kay Liz Almoro. Mula rito, nagkaroon siya ng apat na anak ngunit wala sa mga ito ang nasa poder niya ngayon kaya mag-isang namumuhay ang TV host.

“Wala na akong hihilingin sa Panginoong Diyos. Masaya na ako sa mga blessing. Pero siyempre, yung pamilyadong buhay, wala ako nun. Aanhin mo ang eroplano, yate, magandang bahay, magandang kotse, kung sa oras na magkasakit ako at nakahimlay na ako sa ospital, wala naman akong kasamang mag-aalaga sa akin. Doon ko nararamdaman ang lungkot,” ani Willie sa isang panayam sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo.

Dagdag pa ni Willie, “Milyong-milyong tao ang napapasaya ko, pero pagsara ng pinto ko sa bahay, may nanay ba ako? May tatay ba ako? May kapatid ba akong katabi? Unan lang ang katabi ko. Butiki ang kausap ko.”

Umaasa naman daw siyang makatatagpo ng babaeng makakasama niya sa buhay, ngunit hindi umano nagmamadali si Willie dahil nais niyang makasama na ito habambuhay.

“Darating 'yun. Hindi naman minamadali ang ganung buhay. Twice ako ikinasal, annulled ako pareho. So, gusto ko ang susunod, talagang ito na. Kapag nahanap ko na 'yung babaeng susuporta lang sa akin. Syempre hinahanap mo 'yan, pinakikiramdaman mo pa,” ayon sa 'WowoWin' host.

Sa ngayon, nakatuon ang atensyon ni Willie sa panibagong pagkakataong magbigay ng ligaya at tulong sa mga Pilipino, at kahit papaano, ito na raw ang kanyang paraan upang maibsan ang kalungkutan at sakit na dinadala niya.

Magsisimulang umere ang 'WowoWin' sa susunod na buwan, at nasasabik na si Willie na maramdaman muli ang kaligyan sa pagtulong. “Namiss ko ang sigaw, yung mga yakap ng matatanda.”

Matatagpuan ang studio ng 'WowoWin' sa Kalayaan Avenue sa Quezon City, at mayroon itong kabuuuang 400 seating capacity para sa mga gustong makapanood nang live. -- Bianca Rose Dabu/JST, GMA News