ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

TEASER: Animated series na 'Alamat,' ituturo ang kulturang Pinoy


Sa layuning maipaalam sa mga kabataan ang mga kuwento at kulturang Pilipino, ihahatid ng GMA News and Public Affairs ang animated series na 'Alamat.' 
 
Kilala ang mga bata sa kanilang pagkahumaling sa cartoons at mga animated series kaya ito ang gagamiting paraan ng GMA News and Public Affairs para mahikayat silang panoorin ang natatanging palabas na magbibigay sa kanila ng dagdag na kaalaman tungkol sa kulturang Pilipino.
 
Tatalakayin sa naturang programa ang iba't ibang katha at alamat na nakagisnan sa ating bansa, at naipasa mula sa iba't ibang henerasyon. Halimbawa nito ang Alamat ng Bayabas, Mariang Sinukuan, at ang kuwento ng Langgam at Tipaklong, at marami pang iba.
 
Bukod sa mga kabataan, tiyak na kagigiliwan din ng iba pang miyembro ng pamilya ang programa dahil sa hiwaga at aral na matutunghayan sa bawat kabanata at kuwentong itatampok.
 
Mapapanood sa 'Alamat,' na pinagsikapan ng ilan sa pinakamagagaling na Pinoy animators, na ang iba ay naging bahagi ng malalaking pelikula at programa sa telebisyon mula sa malalaking studios gaya ng Disney, Hanna Barbera, at Cartoon Network.
 
Kabilang naman sa mga artistang magbibigay-buhay sa animated characters ay sina Glaiza de Castro, Kylie Padilla, Gabby Eigenmann, Louise delos Reyes, Betong Sumaya, Pekto, John Feir, Bea Binene, Jeric Gonzales, Pen Medina, Roi Vinzon, Love Anover, Maey Bautista, at Tonipet Gaba.
 
Mapapanood ang 'Alamat' sa darating na Hulyo sa GMA-7.


 
-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News

Tags: teaser, watch, look