ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bakit tumira si Mark Anthony Fernandez sa musoleo ng namayapang ama na si Rudy?


Inamin at ipinaliwanag ni Mark Anthony Fernandez kung bakit ilang araw siyang tumira sa musoleo ng namayapang ama na si Rudy Fernandez sa Heritage Park sa Taguig city.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Mark Anthony, na tumira siya ng may tatlong araw sa museleo ng ama nang maantala ang ipinapagawa nitong condo unit sa Clark sa Angeles city, Pampanga.

Mula nang maghiwalay sila ng kaniyang asawa na si Melisa, naiwan na raw si Mark Anthony sa kanilang bahay kaya nagpasya siyang ibenta na lang ito.



Pero dahil hindi pa natapos noon ang pagkumpuni sa bumili niyang condo unit, hindi kaagad siya nakalipat kaya nagdesisyon siyang tumira muna sa museleo.

"Short period lang naman siguro mga three nights lang ako nandun tapos nakalipat na rin ako," paliwanag ng aktor.

"Comfortable din ako doon dahil malaki yung museleo niya tapos may kuwarto at saka siyempre kahit papano nagtitipid pa rin," dagdag ni Mark Anthony.
 
Samanta, matapos nabakante ng ilang panahon, balik sa trabaho si Mark Anthony. Maliban sa Kapuso series na "Let The Love Begins," kasama siya sa action movie na "Manila's Finest," na kinabibilangan ni Jeric Raval.

Kasabay nito, nagpapasalamat si Mark Anthony sa bago niyang proyekto sa GMA na bahagi ng bagong kontratang pinirmahan niya sa network.

"Mabait talaga ang mga bossing ko. nagpapasalamat ako sa kanila na lagi nila akong nabibigyan ng maayos at magandang proyekto," anang aktor. -- FRJ, GMA News