Ruby Rodriguez, ayaw maging komedyante ang anak na kahawig ni Ariana Grande
Binabansagang Ariana Grande of the Philippine ang anak ni Ruby Rodriguez na si Toni Aquino na sasabak na rin sa pag-aartista.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing hindi maiwasang kabahan ng Eat Bulaga dabarkads na si Ruby sa pagpasok ni Toni sa showbiz.
Ayaw din ni Ruby na tawaging pagpapasa ng baton ang pagsunod ni Toni sa kaniyang yapak sa pag-aartista.
Hindi naman daw kasi magkokomedyante ang anak at ayaw niya talagang maging comedienne ito na tulad niya.
"Sa atin kasi 'pag komedyante ka, you always have a defect, 'yon ang tingin nila may kapintasan. Kung hindi ka sobrang itim, sobrang payat, sobrang taba, yung gano'n, di ba?," paliwanag ni Ruby.
Matagal na raw gusto ni Toni na pasukin ang pag-aartista pero pinayagan lang siya ni Ruby ngayong nakatapos na siya ng high school.
Pero kahit mag-aartista na, kailangan pa rin daw ipagpatuloy ni Toni ang pag-aaral sa kolehiyo.
At ngayong artista na siya, gusto raw ni Toni patunayan ang angking talino sa pag-arte.
"I will try to do my best to be very versatile po, na kahit saan n'yo po ako ilagay, magagawa ko po," ani Toni.
Ngayon pa lang, tinatawag nang Ariana Grande of the Philippines si Toni dahil sa kanilang pagiging hawig.
"Flattered naman po ako na sinasabi nilang kahawig ko. I myself po sabi ko, kamukha ko ba? I ask my friends, kamukha ko ba?," pahayag niya.
Nang tanungin kung anong proyekto ang gusto ni Ruby para sa anak, tugon nito, "Siyempre yung mga acting piece maganda, di ba? I don't want to see her in... yung medyo masyadong sexy, huwag naman."
Nang tanungi si Toni kung sino ang gusto niyang leading man, ibinisto ni Ruby na si Alden Richards ang big crush ng anak. -- FRJ, GMA News