Stallone, nagsalita na kung kasama si Pacquiao sa 'Expendables 4' movie
Nagbigay umano ng pahayag ang Hollywood action star na si Sylvester Stallone tungkol sa lumabas na mga balita na planong isama si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa pelikula nitong "Expendables 4."
Ayon sa GMA News Saksi nitong Biyernes ng gabi, sinabing base sa ulat ng TMZ Sports, nilinaw umano ni Stallone na hindi kasama sa cast ng pelikula si Pacquiao.
Sinabi pa umano ng Hollywood actor na wala talaga sa plano na isama ang kaibigan niyang si Pacquiao sa ikaapat na bahagi ng "Expendables" franchise movie kung saan ilang mga sikat na aktor at atleta ang nakasama na.
Naging maugong na posibleng makasama si Pacquiao sa nabanggit na pelikula nang bumisita sina Stallone at Arnold Schwarzenegger sa training ng Pinoy boxing icon habang naghahanda noon sa laban nila ni Floyd Mayweather Jr.
Sa pelikulang "Expendables 3", ilang sikat na mixed martial arts fighter ang kasama tulad ni Ronda Rousey na sumuporta rin kay Pacquiao. -- FRJ, GMA News