Marian Rivera, handang i-breastfeed ang baby para maging healthy
Gagawin daw lahat ni Marian Rivera para sa kalusugan ng kaniyang baby. Kaya naman maingat daw siya sa kaniyang kinakain at determinado rin siyang i-breastfeed ang anak paglabas nito sa kaniyang sinapupunan.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing kahit buntis ay masipag pa rin si Marian sa pagpunta sa mga showbiz commitment niya.
Ngayong Huwebes, magkasunod na event ang kaniyang pinuntahan.
Una ay ang press launch ng PEP List Award kung saan nahirang si Marian at ang mister na si Dingdong Dantes bilang Newsmakers of the Year.
"Siyempre nagpapasalamat kami sa PEP sa pagtitiwala nila at higit sa lahat yung mga bumoto sa amin ni Dong," pahayag ng Kapuso Primetime Queen.
Sa pangalawang event, isang maluwag na bestida ang isinuot ni Mariam dahil gusto raw niyang maging komportable. Sa kaniyang kasuotan, mahahalata na ang kaniyang baby bump na madalas niyang hinihimas.
Excited na raw ang mag-asawa dahil sa susunod na linggo ay malalaman na nila kung boy o girl ang kanilang first baby.
May naiisip na rin daw silang pangalan para sa kanilang panganay.
"Basta 'pag lalaki palaging may Jose, 'pag babae sana palaging may Maria Kasi Mary ako and then Jose siya (Dingdong). Pero hindi ko alam baka magbago pa rin," anang aktres.
Masaya rin niyang ibinalita na nabawasan na ang kaniyang morning sickness.
Mas pumayat din ang aktres dahil daw pinipili niya ang kaniyang mga kinakain. Panay healthy food lang daw ang gusto niya dahil determinado siyang i-breastfeed ang kaniyang anak.
Iyon din daw kasi ang payo ng kaniyang ina at mga kaibigan niyang nanay na para maging mas malusog ang kaniyang anak.
"Sabi ko nga kaunti lang 'yan sa mga dapat kong gawin para sa kaniya. Kung kaya kong ibigay ang lahat para mas maging okey siya't maging healthy, lahat 'yan gagawin ko," pahayag ni Marian. -- FRJ, GMA News