ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Heart Evangelista, nakipag-bonding sa ina at kapatid


Matapos maibalita na nagkaayos na sina Heart Evangelista at kaniyang mga magulang, nag-post ng ilang larawan ang Kapuso actress sa kaniyang Instagram account sa naging bonding time nila ng kaniyang ina at kapatid.
 
Nitong nakaraang linggo, napaulat na nakasama sa hapunan nina Heart at mister niyang si Sen. Chiz Escudero sa Quezon City, ang ama't ina ng Kapuso star.
 
Matapos nito, ibinahagi naman ni Heart ang naging shopping trip nilang mag-ina sa isang mall sa Makati kasama ang kapatid niyang si Camille Ongpauco. Bumili sila ng pare-parehong damit at binigyan ni Heart ng bag ang ina niyang si Cecille.
 
Sama-sama ring nag-lunch ang tatlo bilang bahagi ng isa pang hiwalay na masayang girls day-out na ibinahagi lahat ni Heart sa kaniyang Instagram.


 
Matatandaan na tutol noon ang mga magulang ni Heart sa pakikipagrelasyon nito kay Sen. Chiz. Dahil dito, hindi dumalo ang mga magulang ni Heart nang ikasal siya sa senador sa Balesin Island Club noong Pebrero.
 
Ang pagbisita ng mga magulang ni Heart sa bahay nila ni Sen Chiz noong nakaraang linggo ay ang unang pagdalaw ng mga ito sa kanilang anak mula nang lumagay sa tahimik.


 
Kaugnay ng magandang balita tungkol sa kanilang pagkakasundo, naging usap-usapan ang pagkakaroon ng ikalawang kasal para kina Heart at Chiz para mabigyan ng pagkakataon ang mga magulang ng aktres na makadalo sa kaniyang pagharap sa altar.
 
Hindi pa nagbibigay ng pahayag tungkol sa ikalawang kasal ang mag-asawa. Pero hindi rin naman itinanggi ni Heart sa mga nagtatanong na followers ang tungkol sa posibilidad na mangyari nga ang second wedding.-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News