Protege's Mikoy Morales: Musician, actor, director, and now a producer
Matapos makilala bilang isa sa mga runner-up ng Kapuso reality talent search na "Protégé: The Battle For The Big Artista Break" noong 2011, nagpatuloy si Mikoy Morales sa kaniyang pag-aaral bilang Music Business Management student sa Meridian International College (MINT).
Sa kabila nito, siniguro niyang napagtutuunan pa rin niya ng pansin ang kaniyang pagmamahal sa musika hindi lamang sa pamamagitan ng pagiging isang performer, kung hindi maging sa pagpapalaganap ng musikang Pilipino sa bansa.
Ngayong taon, masusubukan ng 21-year-old Kapuso performer na maging isang events producer sa gaganaping concert ni Vincent A. De Jesus na pinamagatang "Mood Swings."
Nakilala si Vincent sa malalapit niyang kaibigan at katrabaho, bilang isa sa pinakamagaling na aktor, composer, musical scorer, musical director para sa teatro, telebisyon, at pelikula, writer, lyricist, singer, at educator.
Kabilang sa mga naging project niya na pumatok sa mga manonood ang Zsa Zsa Zaturnnah, Ang Babae Sa Septic Tank, Dream Dad, Mano Po, Crying Ladies, Praybeyt Benjamin, Bilangin Mo Ang Bituin Sa Langit, Kokey, Do Bi Do Bi Do, at marami pang iba.
Ayon kay Mikoy, ito ang kauna-unahang pagkakataon na pormal siyang makakapag-produce ng isang concert.
Malaking bagay raw ito sa kaniya at sa kaniyang business partner sa SPARK Productions dahil bukod sa ito ang kanilang unang major production at unang major concert ni Vincent, naging malapit na rin sila sa composer dahil sa trabaho.
"Si Sir Vince, nakatrabaho ko sa 'With A Smile' before. Noong summer na 'yon, nakatrabaho naman siya ng business partner ko na si Dino sa isang PETA Workshop. We became friends, and eventually, naisip namin na 'Why don't we produce a concert for Sir Vince?' Ang ganda ng songs niya, ang dami niyang awards, pero bakit wala pa siyang concert?" kuwento niya.
Dagdag pa ng Protege alumnus, "This is the first time na we're doing a concert for a friend. Nasanay kasi kami na business lang talaga. Ito, parang mas personal, lalo na importante din ito sa kaniya. Kaya lagi kaming nagtatanungan, batuhan ng ideas. Like a rhythmic pattern.”
Kabilang sa mga makakasama sa concert bilang guest performers sina Jett Pangan, Aiza Seguerra, Noel Cabangon, May Bayot, Eula Valdez, Markki Stroem, at marami pang iba.
Magaganap ang "Mood Swings: The Music of Maestro Vincent de Jesus" Sa June 27 at July 4, 7 p.m., sa Teatrino Promenade sa Greenhills, San Juan.
Kamakailan lamang, sumabak na rin sa backstage action si Mikoy nang maging musical director siya ng LIPAD, isang musical concert na naganap noong Marso tampok ang official glee club ng MINT College na MINT Riffs. Bago pa ito, nagkaroon na siya ng pagkakataong maging assistant musical director noong high school.
Bukod sa kaniyang event business at pag-aaral sa kolehiyo, abala rin ngayon si Mikoy bilang bahagi ng musical na "Kung Paano Ako Naging Leading Lady," kung saan gumaganap siya bilang bahagi ng Kayumanggilas, at bilang si Henyotic.
Magaganap ang "Mood Swings: The Music of Vincent de Jesus" Sa June 27 at July 4, 7 p.m., sa Teatrino Promenade sa Greenhills, San Juan. -- FRJ, GMA News