ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

WATCH: Ex-member ng Universal Motion Dancers, sinasaktan ang sarili?


Humaharap ngayon sa personal na problema sa buhay ang dating miyembro ng sikat na all-male dance group na Universal Motion Dancers na si Marco McKinley.

Sa episode ng Startalk nitong Sabado, June 20, nagbigay ng paliwanag si Marco tungkol sa mga post niya sa Facebook na galit na galit at tila naghahamon.

"Kung ano yung binibitawan kong salita sa Facebook 'yon din lang yung katotohanan...yung reaksyon nila at reaksyon ko na sinagot ko sa kanila," pahayag ng dating dancer.

"Kung magmura man ako, may laitin akong tao kasi kailangan kong ipagtanggol yung sarili ko, at yung anak ko," dagdag niya.



Ang dahilan umano ng galit ni Marco ay ang away nila ng kaniyang kinakasama o live in partner, na dati daw niyang kababata.

Paniwala ni Marco, insecure ang kaniyang karelasyon sa kaniyang anak na lagi raw pinapagalitan ng babae.

Ang naturang away ay humantong sa pag-alis ng babae sa kanilang bahay.

Nang puntahan daw niya ang babae sa bahay nito sa Cainta, nademanda siya ng tresspassing at inakusahang nagwawala, hanggang sa makulong siya ng apat na araw.

Nakalaya lang daw siya matapos gumawa ng paraan upang mapiyansahan ang sarili.

Inalis naman ni Marco ang isang video na naka-post din sa kaniyang social media account kung saan makikita na sinasaktan niya ang sarili.

Paliwanag ni Marco, hindi niya kayang manakit ng ibang tao kaya sarili na lang daw niya ang sinasaktan upang mailabas ang kinikimkim na galit.

Hindi rin umano niya sinasaktan ang babae na kaniyang kinakasama, at may pagkakataon na siya pa raw ang nakakatikim ng pananakit mula sa babae.

Dahil sa pinagdadaanan, humingi ng paumanhin si Marco sa kaniyang mga anak. -- FRJ, GMA News