Barbie Forteza sa kaniyang HS graduation: 'Nakakatuwa, nakaka-proud!'
Hindi raw maipaliwanag ng Kapuso young star na si Barbie Forteza ang saya na kaniyang naramdaman sa high school graduation niya nitong Sabado ng umaga.
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Sabado ng gabi, sinabing nagbunga ang pagpupursige ni Barbie na makapagtapos ng pag-aaral.
Kahit hirap na pagsabayin ang trabaho at pag-aaral, natapos pa rin ni Barbie ang kaniyang Alternative Learning System, isang home school program.
Isa si Barbie sa mga mag-aaral na may pinakamataas na grado sa kaniyang batch.
"Hindi biro kasi di ba, sobrang hirap talaga sa totoo lang. Pero nakakatuwa, nakaka-proud kasi finally natapos ko na rin. At bagong achivement 'to sa buhay ko, bagong accomplishement," anang aktres.
Ano naman kayang kurso ang kukunin niya sa kolehiyo?
"Creative writing...paghahandaan ko rin kaya hindi ako nagmamadali," tugon niya.
Kasabay ring nagtapos ni Barbie ang isa pang kapuso actress na si Vaness del Moral.
Proud din si Vaness sa kaniyang diploma at umaasa siyang makapagbibigay siya ng inspirasyon sa kabataan para hindi sila huminto sa pag-aaral kahit ano pa ang haraping balakid. -- FRJ, GMA News