ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Oyo Boy Sotto, tutol sa same sex marriage; Angel Locsin, nanindigan para sa LGBT


Kasunod ng makasaysayang desisyon ng Korte Suprema sa Amerika na gawing legal ang same-sex marriage sa lahat ng kanilang mga estado, tila nahati naman ang pananaw ng mga Pinoy sa naturang usapin tulad ng dating magkasintahan na sina Oyo Boy Sotto at Angel Locsin.
 
Sa isang post sa Instagram nitong Lunes, sinabi ni Oyo Boy na isa siyang Kristiyano at naniniwala siya sa Bibliya kaya hindi siya sang-ayon sa pagpapakasal ng babae sa babae o lalaki sa kapwa lalaki.
 
Paglilinaw naman ng aktor, wala siyang sama ng loob sa miyembro ng LGBT community at mananatili siyang mga kaibigan nito. Hindi rin umano siya nanghuhusga ng kapwa at handaniyang ipagtanggol ang mga kaibigan at kakilala na LGBT sakaling may mang-bully sa mga ito.
 
Gayunpaman, humihingi siya ng pang-unawa mula sa kabilang panig, at nais niya ring maihayag ang kaniyang posisyon sa usapin.
 
“Name-calling and stereotyping those of us who stand for what we believe is exactly what you don't want done to you. We have a right to speak what we believe, same as you have the right to speak what you believe,” giit pa ng aktor.
 

 

A photo posted by Oyo Sotto (@osotto) on


 
Samantala, sa artikulong isinulat ni Rachelle Siazon sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Martes, sinabing nanindigan naman si Angel Locsin sa pagdepensa sa LGBT community dahil sa isyu ng same-sex marriage.

Nag-ugat daw ang isyu matapos makatanggap si Angel ng mga batikos dahil sa ibinahagi niyang Instagram post noong Linggo, June 29.

Dito ay sinang-ayunan ni Angel ang pahayag ng isang Jesuit priest na si Fr. James Martin Jr. na dapat mas maging bukas ang Simbahang Katoliko sa pagpapalaganap ng wastong Katekismo: “that we should treat our LGBT brothers and sisters with ‘respect, sensitivity, and compassion.’”

Bagamat walang direktang binanggit ang Jesuit priest tungkol sa same-sex marriage, may ilang Instagram followers si Angel ang nagpahayag ng kanilang disgusto sa naturang konsepto.

Hindi raw nagustuhan ni Angel ang ilang comments ng kaniyang Instagram followers, na nagsasabing “act of immorality” at taliwas sa turo ng “biblical laws” ang konsepto ng same-sex marriage.

Ayon kay Angel, hindi niya maatim na basta na lang husgahan ang LGBT community lalo pa’t mayroon siyang “LGBT friends” na maganda ang disposisyon at maayos makitungo sa ibang tao.
 
Kung siya raw ang tatanungin ay pabor siya sa same-sex marriage, dahil ito ang magiging daan upang mabigyan ng equal rights ang LGBT community tulad ng mga karapatang awtomatikong natatanggap ng “straight” na mga lalaki at babaeng nagpapakasal.

 

"Respect, sensitivity, and compassion"?? repost from @chitomirandajr

A photo posted by Angel Locsin (@therealangellocsin) on



-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News