ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

GUESS: Hunk actor, inoperahan dahil sa naipit na ugat sa buto sa kaniyang likuran


Mahigit isang linggong na-confine sa UST Hospital ang isang Kapuso hunk actor matapos siyang operahan dahil sa naipit na ugat sa buto sa kaniyang lower back na nagdulot daw ng matinding sakit.

Sa episode ng Startalk nitong Sabado, July 11, sinabing nitong nakaraang Lunes nakalabas ng pagamutan si Polo Ravales bunga ng nagkaroon ng "slipped disc."

Sa naturang ospital na rin nagdiwang ng kaniyang ika-33 kaarawan (June 27) ang aktor.



“Bago kasi nung birthday ko which is nung June 27, mga two weeks before, may na-feel na akong parang umiipit na ugat sa balakang ko pero hindi ko pinapansin," kuwento ni Polo.

“Akala ko kasi simpleng ipit lang, and then nung birthday ko, meron akong premiere night ng indie movie na ginawa ko. Nag-prepare ako, pagligo ko may parang lalo siyang pumasok, yung ugat sa may buto," patuloy niya.

Nakaramdam umano siya ng sobrang sakit at hindi na maiapak ang paa kaya dinala na siya ospital at inoperahan.

Paniwala niya, may kaugnayan sa pagbubuhat niya sa gym ang natamo niyang pinsala sa likuran.

Maging ang paghahanda sana para sa munting selebrasyon ng kaniyang kaarawan ay naapektuhan. Kaya sa ospital na raw dinala ang mga lobo na gagamitin sana sa salo-salo.

Iyon daw ang kaarawan niya na hinding-hindi niya malilimutan.

Dapat daw sanang ooperahan at lalagyan ng titanium ang lumbar area sa likod niya pero hindi na raw isinagawa ng duktor dahil malusog pa naman ang kaniyang buto.

Sa halip, inalis na lang daw sa pagkakaipit ang ugat at kailangan niyang magpa-therapy para sa lubos na paggaling para makabalik na agad sa trabaho.

“Gusto ko nang mag-work. Kailangan mag-work, pambayad ng hospital,” biro ng aktor. -- FRJ, GMA News

Tags: poloravales