Jada, kuhang-kuha ang pag-awit ng inang si Jessa Zaragoza
Pinasok na rin ng nag-iisang anak nina Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza na si Jada ang showbiz. Tulad ng kaniyang mga magulang, mahusay umawit si Jada at ginaya pa ang estilo ng kaniyang ina.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing umaani ng paghanga ang only child nina Dingdong at Jessa dahil bukod sa maganda ito, may talent din.
Nag-sample si Jada ng ilang awiting pinasikat ng kaniyang mga magulang at ginaya ang estilo ng kaniyang ina.
Masaya at ipinagmamalaki ng mag-asawa ang kanilang anak dahil mabait na bata raw si Jada.
Ayon kay Dingdong, dahil daw ito sa pagpapahalaga nila sa pagkakaroon ng masayang pamilya at sa Diyos.
"God should be in the center. Nag-usap kami niya na talagang hindi namin pwedeng kalimutan 'yon. And then, with all the priorities that we have, the responsibilities, and family, after God is family," ani Dingdong na vice governor din ng Siquijor.
Wala namang tutol sina Dingdong at Jessa sa desisyon ng kanilang anak na sundan ang kanilang yapak sa showbiz.
Magiging guest si Jada ng kaniyang daddy sa birthday concert nito sa Teatrino sa August 24. -- FRJ, GMA News