WATCH: Aiko Melendez at Deborah Sun, may hidwaan dahil kay Jam
Inamin ng dating character actress na si Deborah Sun na naghihirap na siya ngayon sa buhay dahil sa kawalan ng trabaho. Pero dagdag na alalahanin sa kaniya ang pinagdadaanan ng anak na si Jam, na nakararanas umano ng depresyon nang makipaghiwalay sa girlfriend.
Ang naturang depresyon ang dahilan kaya umano natutong gumamit ng marijuana ang anak at minsan na raw ipinasok ni Deborah sa rehab center.
Pero sa episode ng Startalk nitong Sabado, August 15, inihayag ni Aiko na si Deborah mismo ang nagsabi sa kaniya na may kinakaharap na drug problem ang kaniyang kapatid sa ama na si Jam.
May hinanakit si Deborah kay Aiko dahil sa kawalan daw nito ng aksyon para matulungan sila ni Jam, bagay na itinanggi ng aktres.
Paliwanag ni Aiko, hindi sa lahat ng panahon ay maganda ang takbo ng kaniyang trabaho, bukod pa sa may dalawa siyang anak na kailangang suportahan.
Pagtatapat pa ng aktres, nangangamba siyang harapin at puntahan ang kapatid sa ama na si Jam dahil sa wala umano ito sa tamang katinuan, at patunay umano rito ang ginawang pananakit sa mismong ina na si Deborah.
-- FRJ, GMA News