Bagong Marimar, sasalamin sa makabagong Pilipina
Sasalamin sa makabagong Pilipina ang karakter ng bagong Marimar na mapapanood na simula sa Lunes ng gabi, August 24, ayon sa lead star nitong si Megan Young.
"Si Marimar iba na rin siya ngayon kasi sabi ko nga nire-represent niya ang makabagong Pilipina, na kahit anong...mas palaban na siya ngayon," paliwanag ni Megan sa "Chika Minute" report ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes.
"Kahit anong pagsubok ang itapon mo sa kaniya hindi siya natatakot na harapin," dagdag pa ni Megan na seksing-sexy bilang si Marimar.
Pagbahagi pa ng aktres, healthy eating ang sikreto niya sa fit body at hindi kailangan na mag-diet.
"I want them to know na hindi mo talaga kailangan mag- diet basta kumain ka lang nang tama, keep your body healthy," paliwanag niya.
At kahit daw nakaka-pressure ang pagganap niya bilang bagong Marimar, hindi raw nagpapaapekto si Megan.
Panay naman ang papuri sa kanya ng mga katrabaho sa Kapuso series dahil sa dedikasyon niya sa trabaho.
At kahit pa nga raw hindi maiwasan na magkasakitan sa mga eksena, trabaho lang at walang personalan.
Isa pa sa mga aabangan sa serye ang mga kontrabida na magpapahirap sa buhay ni Marimar na gagampanan nina Lauren Young at si Jaclyn Jose, bilang si Senyora Angelika Santibanez.
Maliban sa mga masasakit na salitang ibabato ni Senyora Angelika kay Marimar, dapat ding abangan ang makukulay niyang kasuotan. -- FRJ, GMA News