'Yakie' wedding, nabulilyaso; 'Aldub' forever, nananatiling buhay
Kahit walang hinimatay at hindi nakalabas ng studio ng "Eat Bulaga" si Alden, hindi pa rin natuloy ang kasal nina Yaya Dub at Frankie A. Arinoli sa nag-iisang kalyeserye sa telebisyon nitong Sabado.
Sa pagpapatuloy ng kilig-serye ng Eat Bulaga, dumating ang mga pulis sa venue ng Yakie wedding para hulihin ang pastor na nagsasagawa ng kasal nina Yakie at Yaya Dub.
Napag-alaman na peke ang pastor at mayroon itong kinakaharap na mga kaso.
Inamin naman ng pastor na binayaran lang siya ni Lola Nidora para isagawa ang kasal. Dumating din si Dr. Tan-ning para ibisto na binayaran din siya ni Lola Nidora para palabasin na mayroon itong malubhang karamdaman.
Matatandaan na sinabing may taning na ang buhay ni Lola Nidora para mapilit si Yaya Dub na magpakasal kay Frankie bago sumapit ang 2:30 p.m. ngayong Sabado.
Idinahilan naman ni Lola Nidora na ginawa lang niya ang lahat para makuha ang kinakailangan pera para mabawi niya ang ninakaw na diary o "book of secret" na naglalaman ng dahilan kung bakit tutol siya sa AlDub forever.
Gayunman, binigyan-diin ni Lola Nidora na hindi siya lubos na pabor kay Frankie at iginiit na hindi dapat binabayaran ang pag-ibig.
Bago nito, tinangka ni Alden na makapunta sa venue ng kasal pero hindi siya nakalabas sa studio ng Eat Bulaga dahil bantay-sarado siya nina Rogelio.
Pero makaraang hindi matuloy ang kasal, nagdiwang din siya kasama ng mga follower ng AlDub tandem dahil nananatiling buhay ang kanilang "forever" ni Yaya Dub.
Matatandaan na unang itinakda ang Yakie wedding noong Agosto 8 pero hindi ito natuloy nang himatayin si Yaya Dub at dinala sa ospital. Nakarating sa venue ng kasal si Alden pero hindi pa rin niya nakita ang kaniyang "forever."
For real or for reel?: Yaya Dub, hinimatay sa araw ng kasal kay Frankie -- FRJ, GMA News