Sa palitan ng fan sign: Lola Nidora, nag-sorry kay Alden
Kasunod ng pagkakabulilyaso ng kasal nina Frankie at Yaya Dub, tila lumalambot na rin ang puso ni Lola Nidora kay Alden matapos siyang mag-sorry sa binata sa palitan nila ng fan sign sa kalyeserye ng Eat Bulaga.
Sa pagpapatuloy ng 'AlDub' love saga nitong Sabado, napalitan ng saya ang iyakan sa unang bahagi ng kalyeserye sa pangamba ng mga manonood na baka matuloy ang "Yakie" wedding.
Salamat na lang sa mga pulis na dumating at nabisto na peke pala ang pastor na nagsasagawa ng kasal. Inamin din ni Lola Nidora na plinano lang niya ang lahat para makakuha ng pera kay Frankie na ipangtutubos sa nawawalang diary.
Bukod dito, nalaman na rin na walang malubhang sakit si Lola Nidora at hindi totoo na may taning na ang kaniyang buhay.
Sa palitan ng fan sign, sinabi ni Alden na patutunayan niya kay Lola Nidora na siya ang karapat-dapat kay Yaya Dub.
Sumagot naman si Lola Nidora at nag-sorry kay Alden na may kasama pang signiture "pabebe tongue" niya.
Nauna nang sumabak sa ilang challenges si Alden na iniutos ni Lola Nidora para maipakita niyang tapat at pang-forever ang pagmamahal niya kay Yaya Dub.
Kabilang na rito ang pag-igib ni Alden ng tubig at pagtakbo niya nang malayo mula studio ng Eat Bulaga sa Broadway hanggang sa kanto ng EDSA. -- FRJ, GMA News