AlDub forever love saga rewind
Mula Lunes hanggang Sabado, walang patid ang luha at sayang hatid ng nag-iisang kalyeserye sa bansa ng Eat Bulaga! At sa pagtatapos ng linggo, nagdiwang ang mga naniniwala na may "forever" nang hindi matuloy ang kasal nina Frankie at Yaya Dub.
Nitong Lunes, sinuyo ni Alden ang nagmamaktol na si Lola Nidora na masama ang loob dahil nagawa niya ang challenge na tumakbo mula Broadway studio hanggang Edsa.
Nakatikim din ng sermon kay Lola Nidora ang kaniyang mga Rogelio.
Pumasok naman sa eksena nitong Martes ang apo ni Lola Nidora na si Duhrizz at mukhang gusto pa nitong agawin si Alden kay Yaya Dub.
Naka-wheel chair, may suwero at may oxygen naman nang sumulpot ang maysakit na si Lola Nidora sa kalyeserye nitong Miyerkules. Habang naghihingalo, may hiniling siya kina Yaya Dub at Alden Richards.
Nitong Huwebes, naging malungkot ang AlDub followers dahil muling itinakda ni Lola Nidora ang kasal nina Frankie at Yaya Dub sa Sabado.
Sa pamamagitan ng poging duktor na si Dr. Tan-ning, nalaman na may taning na ang buhay ni Lola Nidora at hanggang 2:30 p.m. na lang sa Sabado ang buhay niya.
Nitong Biyernes, nabalot ng drama ang kalyeserye nang dumaloy ang mga luha sa mga pisngi nina Alden at Lola Nidora dahil sa nakatakdang kasal nina Yaya Dub at Frankie. Pati nga ang mga manonood, nadala rin ng matinding emosyon.
Sa ginanap na Yakie wedding nitong Sabado, tila nawawalan na ng pag-asa ang AlDub "forever" followers dahil hindi makaalis ng studio si Alden upang pigilan ang kasal bunga ng pagbabantay ng mga Rogelio.
Pero hindi natuloy ang kasal matapos arestuhin ng mga pulis ang pekeng pastor na magkakasal sana kina Frankie at Yaya Dub.
-- FRJ, GMA News