ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
'HINDI KO KAYANG TANGGAPIN'

April Boy admits having suicidal thoughts after becoming blind


Isang himalang maituturing ng batikang singer na si April Boy Regino ang ikalawang pagkakataong naibigay sa kaniya upang makabalik sa mundo ng musika matapos siyang pumirma ng kontrata sa GMA Records nitong buwan. 
 
Dumanas ng maraming komplikasyon sa kalusugan si April Boy, kabilang na ang prostate cancer, congestive heart failure, at diabetic retinopathy na naging dahilan ng halos pagkabulag na ng kaniyang mga mata.
 
Nakilala si April Boy bilang singer sa likod ng OPM hit songs gaya "Paano Ang Puso Ko," "Umiiyak Ang Puso" at ang "'Di Ko Kayang Tanggapin," at nakatakda naman siyang mag-record ngayon ng Christian songs bilang bahagi ng kaniyang panibagong album. 
 
Pag-amin ng singer sa “Kapuso Mo Jessica Soho” nitong Linggo, kabilang sa mga dahilan ng naging dagok niya sa buhay ang mataas na tingin sa kaniyang sarili na nauwi sa pagpapabaya niya sa kaniyang kalusugan.
 
“Palagay ko po, sikat na sikat ako noon, e. Hindi ko na po naalala yung dati kong buhay na galing pala akong squatter. Akala ko wala akong kamatayan. Parang Superman ho ako dati,” aniya.
 
Pagpapatuloy pa ni April Boy, “Pagkatapos po noon, noong nagkasakit ako, dun ko nalaman na ang tao pala ay nagkakasakit. Akala ko, habang buhay akong masaya, maligaya, dahil ho ang lakas ng kita ko doon (sa Amerika). Sikat na sikat pa din ako dun. [Hanggang dumating ang mga] pagsubok na hindi ko akalain na darating sa akin.”
 
Gumaling ang prostate cancer ng tinaguriang “Jukebox King” noong 2013, ngunit nagkaroon naman siya ng congestive heart failure na naging dahilan upang mahirapan siyang huminga at ma-confine sa ospital sa loob ng dalawang araw.
 
Dahil sa sunod-sunod na pagsubok, hindi na raw napigilan maiyak ni April Boy at isiping magtatapos na ang kaniyang buhay.
 
Gayunpaman, muli niyang pag-amin, nanatiling matigas ang kaniyang ulo at patuloy siya sa kaniyang bisyo ng pag-inom ng alak.
 
“Matigas ho ang ulo ko. Kasi basta po gagaling na ako, umiinom po ako ng beer. Yun po ang kahinaan ko, malakas po ako uminom ng beer. Nakaka-sampu po ako isang araw. Nabigla po siguro ang katawan ko na tumatanda na pala ako,” pahayag niya.
 
'Parang inutil'
 
Gumaling man ang sakit sa puso, nasundan naman ito ng diabetes, na naging dahilan upang mabulag ang kaniyang kaliwang mata.
 
Ayon sa singer, “Tumaas po yung diabetes ko, pumutok po yung mga ugat ng mata ko. Sobrang iyak ko na po nun. Parang ang nangyari po sa akin nun, inutil na po ako kasi wala na po ako nakikita, e, bulag na po ako. Paano pa po ako magtatrabaho nun?"
 
Hindi raw napigilan ni April Boy na sumagi sa kaniyang isip ang pagkitil sa kaniyang sariling buhay dahil sa mga nakalulungkot na pangyayaring sunod-sunod niyang pinagdaanan.
 
Dahil sa halos pagkabulag, may mga pagkakataon rin umanong hindi na siya makalakad, makalabas sa bahay, at makakilos para sa kaniyang sarili, dahilan upang paliguan at pakainin na na lamang siya ng kaniyang asawa.
 
Bago siya tuluyang mawalan ng pag-asa, humingi muna ng tulong ang singer sa mga kaibigan artista, gaya na lamang ni Willie Revillame na nagbigay umano sa kaniya ng P100,000.
 
Hindi naging matagumpay ang nasabing operasyon at muli siyang nanghingi ng tulong kay Manny Pacquiao, na nagbigay naman sa kaniya ng P500,000.
 
Mula raw nang mabulag na siya dahil sa komplikasyon sa kaniyang kalusugan, awang-awa na umano si April Boy sa sarili.
 
Pagbabahagi niya, “Para bang gusto ko nang magpakamatay. Opo, kasi ho ang yabang-yabang ko dati. Ang dami pong humahanga sa akin.
 
“Tapos nung naranasan ko na po yung nabulag na po ako… lagi na lang po akong nasa kuwarto, nasa kama. Matutulog ako, at pinapaliguan ng misis ko. At pinapakain ho ako. Iyak ho ako nang iyak sa sarili ko. Sabi ko, 'Wala na akong patutunguhan. Bagsak na ako,” dagdag pa niya.
 
Muling pagbangon
 
Matapos humingi ng tulong sa mga kaibigan, wala na umanong ibang maisip na takbuhan ang singer kundi ang Diyos.
 
Nagbalik-loob sa pananampalataya si April Boy, at bagaman sa simula ay hindi umano niya maunawaan kung bakit dinapuan siya ng mga matitinding karamdaman, naliwanagan siya dahil sa bibliya. 
 
“Isa na lang pag-asa ko, Siya lang ang makakatulong sa akin. Siya lang buhay ko. Humingi ako ng tawad sa Kanya. Sabi ko, ‘Diyos ko, sobra na ‘tong pahirap Mo sa akin. Hindi na ako makakatagal nito, gusto ko nang mamatay," aniya.
 
Dagdag pa ni April Boy, “Talagang nagtatampo ko sa Diyos dahil hindi ko maintindihan kung bakit ako binigyan ng ganitong karamdaman.  Tapos nu'ng naisip ko na, nag-aaral na ko ng bible, ganun pala parang pinapalo ka lang ng Diyos .”
 
Nag-bible study umano siya kasama ang kaniyang asawa at kanilang mga kamag-anak, at dahil sa walang humpay na dasal ay bumuti raw ang kaniyang lagay at unti-unting nakabangon.
 
Akala raw niya ay retired na siya sa kaniyang singing career kaya masaya siya nang pumirma siya ng recording contract sa GMA.
 
"Sabi ko, ang galing, ano, may edad na ko tapos may diperensiya pa ko, kinukuha uli ako ng GMA Records," ayon kay April Boy.
 
Pahayag naman ni Mr. Felipe S. Yalong, Executive Vice President and COO, GMA Records, "We're so happy kasi na he's back again in the recording industry 'no, after more than 12 years na nawala siya and I assure you that the network, especially GMA Records is all out in support of April Boy."
 
Pero mula sa love songs, Christian songs na ang laman ng album ngayon ni April Boy. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News