Paglabas ni Megan Young bilang 'Marimar,' inaabangan na
Malapit nang mapanood si Megan Young sa bagong Kapuso primetime series na Marimar. Si Tom Rodriguez naman, itinuturing pinakamalaking hamon sa kaniyang career ang pagganap bilang si Sergio.
Sa taping ng Marimar sa Subic, Zambales, inabutan ni showbiz reporter Nelson Canlas si Tom habang kinukumpuni ang kaniyang laptop computer.
Isang paraan daw ito para ipahinga ng aktor ang kanyang isip at maging relax sa pag-arte kapag rumolyo na ang kamera.
Sabi ni Tom, pinakamalaking hamon sa kaniyang career ang pagbibigay-buhay kay Sergio kaya pinag-aaralan niyang mabuti ang naturang karakter.
Samantala, lalong napalapit kay Megan ang Marimar dahil ginagawa ngayon ang taping ng teledrama sa Subic, ang lugar na malapit sa puso niya dahil dito siya lumaki.
Katunayan, binigyan siya ng hero's welcome sa Subic nang umuwi siya rito matapos koronahan bilang kauna-unahang Pinay Miss World.
Bukod dito, malapit daw sa kaniyang pagkatao ang personalidad na ginagampanan niya bilang si Marimar tulad ng pagiging mahiyain at may pagka-isip bata.
Kaya naman excited daw siya sa tuwing mahahawakan ang bagong script ng Marimar dahil hindi niya alam kung ano ang magaganap sa mga susunod na episode.
At nang tanungin kung saan papasok ang sophisticated Megan sa itatakbo ng istorya, tugon niya, sa isa pang katauhan ni Marimar bilang si Bella Aldama.
Sa mga susunod na tagpo, makikita na ang pagdadalaga at kung paano iibig si Marimar. -- FRJ, GMA News