ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
#ALDUBMaiDenHeaven

Alden, nagawa ang bagong hamon ni Lola Nidora; pero bigo pa ring makita si Yaya Dub


Unti-unti nang lumalapit ang "tamang panahon" matapos magawa ni Alden ang buwis-buhay na challenge sa kaniya ni Lola Nidora sa kalyeserye ng Eat Bulaga nitong Sabado.

Pero para kay Yaya Dub, tinanggap ni Alden ang hamon ni Lola Nidora na lumangoy sa isang Olympic size swimming pool upang kunin ang tatlong kahon na inilaglag nito.



Dapat makuha ni Alden ang tatlong kahon sa loob ng limang minuto.

Sa pamamagitan ng fan sign, nag-aalalang tinanong ni Yaya Dub si Alden kung marunong itong lumangoy, at umokey naman ang binata.

Gagawin daw niya ang challege para sa kanilang pagkikita.



Marami ang kinabahan na baka hindi magawa ni Alden ang challenge sa loob ng limang minuto dahil sa panggugulang na ginawa ni Lola Nidora.

Sa halip kasi na manatili sa isang lugar para dalhin sa kaniya ni Alden ang mga nakukuhang kahon, naglalakad si Lola Nidora sa gilid ng pool para habulin siya ni Alden.

Sa huli, naghiyawan ang mga tao sa studio at maging si Yaya Dub nang magawa ni Alden ang challenge bago matapos ang limang minuto.



Nabanggit ni Lola Nidora kay Alden na pinatunayan nito na walang malalim na dagat at pagsubok pagdating sa pag-ibig.

Gayunman, hindi pa rin sila nagkita ang dalawa dahil isinikreto ni Lola Nidora ang kaniyang lokasyon habang kasama nina Lola Tidora at Lola Tinidora sa ibang lokasyon si Yaya Dub.

Hindi rin maiwasan ng mga AlDubers ang nalungkot at ma-hopia dahil hindi pa "tamang panahon" para magkita sina Alden at Yaya Dub.

Naging top trending topic naman sa Twitter sa Pilipinas at buong mundo ang #ALDUBMaiDenHeaven.

Naging comedy ang pagtatapos ng challenge nang tumalon si Lola Nidora sa pool at matanggal ang wig nito.

Sa susunod na linggo, posibleng makilala na ang tunay na ina ni Yaya Dub na bunsong kapatid nina Nidora, Tidora at Tinidora.



-- FRJ, GMA News
Tags: aldub, lolanidora