ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
AlDub nation, masaya kahit nabitin!

Alden at Yaya Dub, nagpalitan ng tweet matapos ang unang pagkikita


Bitin man ang unang pagkikita nina Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza sa Eat Bulaga nitong Sabado, masaya pa rin ang mga supporter ng AlDub tandem dahil hindi sila lubos na na"-hopia" o nabigo.
 
Matapos nga ang halos dalawang buwang paghihintay, nagkita na sa studio ng Eat Bulaga nitong Sabado sina Alden at Yaya Dub. Naganap ito makaraan silang maglaban sa segment na "Bulaga Pa More."


 
Pero bagaman nagkita at nagkangitian, bigo naman silang magkalapit dahil sa pader na biglang humarang sa kanilang pagitan.
 
Bago sila nagkatagpo sa backstage, ilang beses munang nagkasalisi ang dalawa sa paghahanapan sa studio matapos ang performance ni Yaya Dub.
 
Bagaman nagkita nga sa likod ng stage sina Alden at Yaya Dub, hindi naman sila nagkalapit-- kahit man lang magkahawakan ng kamay-- nang biglang may iharang na pader si Lola Nidora sa pagitan nila.


 
Dismayado si Lola Nidora dahil hindi tinupad nina Alden at Yaya Dub ang kanilang pangako na hindi sila magkikita.
 
Habang nililitanya ni Lola Nidora ang kahalagahan ng pagtupad sa pangako at pagtitimpi sa sarili para hindi maging mapusok, hindi naiwasan nina Alden at Yaya Dub na maiyak na tila pag-amin sa kanilang pagkakamali.
 
Sa kabila nito, pursigido pa rin si Alden na malapitan si Yaya Dub at naghanap ng paraan. Subalit bukod sa naharangan na ang kaniyang dadaanan, may mga nakamaskarang lalaki ang tumangay kay Yaya Dub at inilabas siya ng studio.
 
Hindi man naging lubos ang kanilang pagkikita, masaya  na rin ang AlDub supporters na kinalabasan ng eksena ng kanilang mga idolo. Natuwa rin sila sa mensaheng iniwan ni Lolo Nidora tungkol sa kahalagahan ng pagtupad sa pangako.
 
Bago magsimula ang kalyeserye, ilang tweets na ng netizens ang humiling na hindi sana sila "ma-hopia" ngayong Sabado dahil ilang beses na ring hindi natuloy ang pagkikita nina Alden at Yaya Dub.

Samantala, nagpalitan naman ng tweet sina Yaya Dub at Alden na kapwa nagpahayag ng kasiyahan na makita ang isa't isa.

Nanghinayang lang si Alden na hindi man niya nahawakan ang kamay ng dalaga.


 
-- FRJ, GMA News
Tags: aldub, kalyeserye