Ken Chan overwhelmed by opportunity to star in transgender series 'Destiny Rose'
Hindi napigilang maging emosyonal ng Kapuso actor na si Ken Chan sa press conference ng GMA Afternoon Prime series na “Destiny Rose” nitong Martes kasabay ng pagpapasalamat niya sa oportunidad na bumida sa kauna-unahang teleseryeng pagbibidahan ng isang transwoman.
Ayon kay Ken, hindi daw siya umaasang mabibigyan ng lead role na matagal niyang pinapangarap para maipamalas ang kaniyang talento bilang isang aktor.
“Sobrang masaya ako na ako ang napili at nabigyan ng pagkakataon. Wala akong kasing saya ngayon. Araw-araw akong masaya because of Destiny Rose, at hanggang ngayon ay nao-overwhelm pa rin ako na nakakatrabaho ko ang magagaling at batikang aktor,” aniya.
Makakasama ni Ken sa “Destiny Rose” sina Manilyn Reynes, Jackie Lou Blanco, Michael de Mesa, Joko Diaz, Sheena Halili, Katrina Halili, Fabio Ide, Ken Alfonso, Jeric Gonzales, JC Tiuseco, at marami pang iba.
Natutuwa rin daw si Ken dahil buong-buo ang suporta sa kaniya ng kaniyang pamilya at natutuwa pa umano sa tuwing magbibihis at magkikilos-babae siya.
A photo posted by Kapuso PR Girl (@kapusoprgirl) on
Bukod sa Kapuso actor, proud din sa natatanging programang ito ang buong creative team lalong-lalo na ang direktor na si Don Michael Perez, na labis ang papuri sa nagbigay-buhay kay Destiny Rose na sina Ken Chan at Migs Cuaderno.
Ayon kay Direk Don, “Only GMA can come up with something as brave as this. This is the most personal story I have donw so far, and I feel blessed because I have the support of my family. Not everyone is as lucky. 'Destiny Rose' is for them.”
Gaya ng mga naunang programang sumasalamin sa buhay ng LBGT gaya ng “My Husband's Lover,” “Dading,” at “The Rich Man's Daughter,” hangad rin daw ng mga bumubuo ng programang ito na iparating ang mensahe ng pagmamahal at pagkakapantay-pantay.
“The story is universal. It does not matter whether you're straight, gay, lesbian, bisexual, or trans. Love is universal,” paglilinaw ng direktor ng teleserye.
Upang panatilihing makatotohanan ang pagsasabuhay ng kwento ng isang transwoman, mayroong LGBT consultant ang programa, at nagkakaroon din sila ng lingguhang session kasama ang LGBT upang isangguni ang script.
Mapapanood na ang “Destiny Rose” sa GMA Afternoon Prime simula September 14. -- FRJ, GMA News