Misteryosang si 'Dangwa' girl, ipinakilala na
Ipinakilala na ang babaeng namimigay ng bulaklak sa Sampaloc, Maynila na naging palaisipan sa social media at tinawag nilang si "Dangwa' girl.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing si "Dangwa" girl ay walang iba kung hindi si Janine Gutierrez, na bibida sa isang bagong daily morning series na "Dangwa."
"Nakakatuwa kasi yung mga producers namin, yung mga taga-GMA News. Talagang pinag-isipan nila kung paano i-introduce yung 'Dangwa,' tapos, di ba kapag may secret lalong nakaka-excite," ayon kay Janine.
Gagampanan niya ang papel ni Rosa, isang misteryosang babae na nagtitinda ng bulaklak sa Dangwa.
"Yung character ko tutulong sa mga taong naghahanap ng tunay na pag-ibig, mapa-sa-nobyo man o sa pamilya," kwento ni Janine.
Ang "Dangwa" ay magtatampok sa iba't ibang kuwento ng pag-ibig na matatapos linggo-linggo. Sa pagkabuo ng bawat relasyon, may malaking kinalaman ang karakter ni Janine.
May tumatakbo ring nakakakilig na kuwento ng buhay pag-ibig ni Rosa at ng dalawang lalaking nagtatangi sa kanya-- sina Baste, na isang flower delivery boy at Enzo, na isang arkitekto.
Si Baste ay gagampanan ni Mark Herras, habang si Aljur Abrenica naman ang gaganap bilang si Enzo.
"Playboy, lagi kong inaasar si Janine. Pero ang hindi alam ni Janine meron pala kong lihim na pagtingin sa kanya, na eventually hindi ko agad maaamin sa kanya kasi bigla ngang dadating si Aljur sa buhay niya," pagbahagi ni Mark sa kaniyang karakter.
Kuwento naman ni Aljur, "Si Lorenzo, wealthy yung family niya and he's an architect. Tapos araw-araw ako sa Dangwa, lagi akong nagpupunta sa Dangwa para bumili ng mga roses because I'm desperate, desperate to win my ex back."
Mapapanood ang "Dangwa" simula ngayong Oktubre. -- FRJ, GMA News