LOOK: Vin Diesel does 'pabebe wave'; to shoot next ‘xXx’ film in PHL
Bukod sa pag-pabebe wave, ibinalita ng Hollywood action star na si Vin Diesel na nasa Pilipinas ngayon ang team ng susunod niyang pelikulang "xXx" (Triple X) para maghanap ng lugar para mag-shooting.
Ibinalita ito ni Vin sa exclusive one-on-one interview ni Ricky Lo na ipinalabas sa CelebriTV nitong Sabado para sa promotion ng bago niyang pelikula na "The Last Witch Hunter."
"We just hired a director for triple X (movie) and we are literally scouting the Philippines as we speak," ayon sa aktor.
Sinariwa rin ni Vin ang mga magaganda niyang alaala nang bumisita siya Pilipinas noong 2013 para sa pelikulang "Fast & Furious 6" kung saan sumakay siya ng jeepney at nakatanggap ng regalong boxing gloves mula kay Manny Pacquiao.
"I have so much fun in the Philippines," sambit ni Vin.
Tinanong pa niya si Ricky kung saang lugar sa Pilipinas makikita ang magagandang beach, na sinagot naman ng tv host na, "all over, from north to the south."
Bukod sa Boracay, inirekomenda rin ni Ricky kay Vin na magpunta sa Palawan.
Sunod nito ay tinanong muli ni Vin si Ricky kung napanood nito ang pelikula niyang "The Last Witch Hunter" at ano ang masasabi niya tungkol dito.
Ayon kay Ricky, exciting ang pelikula "from beginning to end."
Bago matapos ang interview, itinuro ni Ricky kay Vin ang sikat na pabebe wave ngayon sa Pilipinas na game na ginawa naman ng Hollywood star. -- FRJimenez, GMA News