ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kalyeserye Weekly Recap: Ang pagsapit ng 'tamang panahon'


Nagwakas na ang halos dalawang linggong pangungulila ng AlDub nation nang magkita nang muli sina Alden at Yaya Dub sa kalyeserye ng Eat Bulaga. Idineklara rin ni Lola Nidora na sumapit na ang tamang panahon para muling pagtagpo ng AlDub tandem kasama ang kanilang supporters sa October 24 (Sabado),  sa Philippine Arena sa Bulacan.

Nitong Lunes, naging problemado si Lola Nidora sa pangambang masundan sila ng kanilang kapatid na si Isadora at makuha si Yaya Dub. Lingid sa kaalaman nila, isang babaeng mahaba ang buhok ang patuloy na nagmamasid sa kanila sa kalyeserye.  


Bilang bahagi pag-iingat upang lituhin si Isadora, nagpalit ng anyo sina Lola Tinidora at Yaya Dub. Plano rin nilang itago si Yaya Dub sa probinsiya pero hindi sang-ayon dito ang dalaga dahil ayaw niyang mawalay sa kanila.


Matapos ng ilang araw na hindi napanood sa kalyeserye, nagbalik na si Alden pero si Yaya Dub naman ang umalis. Naging malungkot ang pagbabalik na ito ng binata at hindi niya napigilang maiyak kahit tiniyak ni Lola Nidora na malapit nang sumapit ang "tamang panahon."


Sa 13th weeksary ng AlDub, si Alden mismo ang nagtungo sa barangay para makasama ang mga lola. Pero nahalata ng mga dabarkads na tila tinototoo na talaga ni Alden ang pagiging malapit nila ni Yaya Dub dahil tunay na pangalan ng dalaga na "Maine" ang kaniyang nabanggit sa eksena.


Hindi man sila nagkikita sa kalyeserye, naging espesyal naman ang araw ng Biyernes kay Alden nang ipakausap sa kaniya sa telepono ni Lola Nidora si Yaya Dub mula sa probinsiya. Ipinarinig sa AlDub Nation kung papaano maglambingan ang dalawa sa telepono.


Pagsapit ng Sabado, idineklara ni Lola Nidora na sumapit na ang tamang panahon para magkita-kita ang AlDub tandem at AlDub Nation sa isang makabuluhang fans day sa Oct. 24 na gagawin sa Philippine Arena sa Bulacan.

Bagaman magkakaroon ng bayad para makapasok sa arena, ang kikitain naman dito ay ipagagawa ng mga silid-aklatan sa iba't ibang bahagi ng bansa na tatawaging "AlDub Library." Pagpapakita ito na nagkakaisa rin ang AlDub Nation sa paggawa ng makabuluhang programa at hindi lang puro kilig at dami ng tweets.

Nakilala na rin ang katauhan ni Isadora na ginampanan ni Paolo Ballesteros na nag-makeup transformation para maging kamukha ni Yaya Dub. Ano nga ba ang dahilan ng kaniyang pagpunta sa kalyeserye?


-- FRJ, GMA News
Tags: kalyeserye