ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Herras at Aljur Abrenica, may dance showdown sa 'Dangwa'


Excited na ang mga bida ng bagong Kapuso morning serye na "Dangwa" na mapapanood na simula sa Lunes. Isa raw sa mga dapat abangan sa program ang dance showdown nina Mark Herras at Aljur Abrenica na maglalaban sa atensiyon ni Janine Gutierrez.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Janine na magkahalong kaba at excitement ang kaniyang nararamdaman sa pag-ere ng "Dangwa," na ipinangalan sa popular na pamilihan ng bulaklak sa Maynila.



"Nakita ko na po yung ibang episode, nakasama ko na po yung ibang guests at nakita ko nga ngayon yung pilot. Sobrang excited ako kasi napakaganda talaga yung nagawa ng team Dangwa," anang young actress.

Iikot ang kuwento sa karakter ni Janine, ang misteryosang si Rosa, na bawat linggo ay magbibigay ng bulaklak sa iba't ibang tao na magkakaroon ng kani-kanilang love life.

Pero si Rosa mismo, mayroon ding sariling love story kung saan pinag-aagawan siya nina Baste at Enzo na ginagampanan nina Mark at Aljur.

Watch and Sing-along: 'Pag-ibig' by Sponge Cola: Ang theme song ng 'Dangwa'


Natutuwa ang dalawang leading men dahil first time nilang nagkasama-sama sa isang acting project.

"We're very excited na magtrabaho together kasi kung nakakapagtrabaho kami before, normally sayawan tapos nagkikita kami as magbarkada," ani Mark.

"We end up laughing, nagkakatawanan kami kasi hindi namin kinaya dahil nga hindi kami sanay na magseryosohan eh,"dagdag naman ni Aljur.

Abangan din daw ang dance duel nina Mark at Aljur sa harap ni Janine para makuha ang paghanga ng dalaga.

"Masaya po kami nu'ng nagte-taping nu'ng sayawan nila kasi nakakatawa po eh. Bigla na lang may nagsasayaw sa tapat ng Dangwa sa kalsada tapos nakakatawa pa yung dance moves nina Mark at Aljur," kwento ni Janine.

Mapapanood ang "Dangwa" simula sa darating na Lunes, sa ganap na 11:00 a.m.-- FRJ, GMA News