Pagsali ng Heneral Luna sa Oscars, apektado raw ng kawalan ng OMB chief
Apektado umano ng kawalan ng pinuno ngayon ng Optical Media Board (OMB) ang pagsali ng historical film na Heneral Luna bilang pambato ng Pilipinas sa Oscars.
Sa exclusive report ni JP Soriano sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing hindi umano makausad ang hinihinging reproduction permit ng Artikulo Uno Productions para mailabas ng bansa ang kopya ng Heneral Luna.
Ang Heneral Luna na tumatalakay sa buhay ng bayaning si Antonio Luna ang napiling kalahok ng bansa para sa 88th Academy Awards for the Best Foreign Language Film category.
Matatandaan na nagbitiw kamakailan sa kaniyang posisyon si OMB chief Ronnie Ricketts para tumakbong kongresista sa Muntinlupa sa darating na May elections.
Ang papalit sa binakanteng puwesto ni Ronnie, o ang magiging OIC ay itatalaga ng Office of the President.
Paliwanag ni Atty. Cyrus Paul Valenzuela, OMB-Legal Dept., hinihintay na lamang ang utos mula sa Board ng ahensiya na inaasahang mailalabas sa lalong madaling panahon.
Napag-alaman din na apektado ng kawalan ng OIC sa OMB ang kampanya laban sa mga pamimirata dahil walang puwedeng pumirma sa mission order upang magsagawa ng pagsalakay.
Nalulungkot din ang produksyon na nasa likod ng Heneral Luna dahil bukod sa pinipirata ang kanilang pelikula, may unibersidad daw na nagpapalabas ng pirated copy nito sa mga estudyante.
Mayroon din umanong isang ahensiya ng gobyerno na ipinapalabas sa waiting room ang piniratang kopya ng pelikula. -- FRJ, GMA News