ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lola Nidora, ibinahagi ang ilang laman ng kaniyang diary


Nagtapos ang "Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon" nitong Sabado nang makuha na ni Lola Nidora mula sa mga lalaking nakasakay sa motor ang diary na naglalaman ng mga sikreto ng kanilang pamilya.
 
Ngayong Lunes, ipinarinig na niya sa kaniyang mga kapatid na sina Tidora at Tinidora, kay Yaya Dub, at sa mga Dabarkads ang mga nilalaman ng diary, na sulat pala ng kanilang ina.
 
Binuksan ito ng matanda at nalamang kulang-kulang ang mga pahina.
 
Gayunpaman, binasa niya pa rin ang isa sa mga diary entry na mula sa taong 1938, nang mapunta ang kanilang ina sa Paris, France. 
 
 
Dito ikinuwento kung papaanong may isang matanda na tila nanghula sa kaniya at sinabing magkakaroon siya ng tatlong magagandang anak na babae at may aampunin rin siyang isang batang babae.
 
“Maaga akong nagising para makapag-stroll gamit ang aking hovertrax. Sa Champs-Elysees, may isang matandang babae na lumapit sa akin at nagsabi ng 'bonjour.' Nakipag-usap siya sa akin, at tinignan niya ang palad ko. Nagbabalat daw, at marami siyang tinuran na mangyayari sa aking kinabukasan,” ayon sa mga nakasulat sa diary.
 
Pagpapatuloy pa nito, “Sinabi niya na magkakaroon ako ng magagandang tatlong anak na babae. May aampunin daw akong isang batang babae at magkaka-apo raw ito ng isang batang babae na magiging malaki ang parte sa buhay namin. Ang batang babaeng ito ay dadaan sa maraming pagsubok sa pag-ibig ngunit isang tapat na pag-ibig lang ang sagot sa lahat.”
 
Dala raw ng isang lalaking maputi, matangkad, at may dimple ang wagas na pag-ibig para sa dalaga, ngunit marami pa rin ang kokontra at hahadlang sa kanilang pagmamahalan.
 
Ayon sa ina ng mga Lola, kailangang marating ng mga Lola, ni Yaya Dub, at ng binatang may dimple ang isang bahay sa October 31 upang higit silang maliwanagan sa kahulugan ng tunay na pag-ibig.
 
Bago pa man masabi ang hitsura ng bubong ng bahay, tumunog na ang busina, hudyat ng pagtatapos ng Kalyeserye.
 
Abangan ang mga susunod na episode at alamin kung ano pa ang mga sikretong nilalaman ng diary. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News