Angel Locsin, sinimulang isailalim sa operasyon dahil sa kaniyang spine problem
Sinimulan na ang proseso para sa operasyon ng aktres na si Angel Locsin upang gamutin ang tinamo nitong disc bulge sa spine o kulugod.

Nitong Biyernes, dalawang larawan ang ini-upload ni Angel sa kaniyang Instagram account habang nasa ospital.
Sa isang larawan, sinabi ni Angel na nagsimula na ang unang bahagi ng kaniyang operasyon.
Saad niya sa caption ng larawan: “Photo taken earlier before the procedure :) I'm still a little bit groggy and sore but happy & thankful tapos na ang first stage of the procedure :) thank you all for the prayers! Hoping this is it na.”
Sa isa namang larawan ay makikitang kasama ni Angel ang ilang hospital staff na mga Filipino na nag-aasikaso umano sa kaniya.
“Another photo before heading to lab with the Filipino nurses who took really good care of me :) thank you so much! Mabuhay kayo!,” saad sa caption ng naturang larawan.
Hindi binanggit ni Angel sa kaniyang post kung saan hospital siya naka-confine pero sa isang ulat ni Bernie V. Franco sa Philippine Entertainment Portal, nakasaad na nasa Singapore ang aktres.
Bumuhos naman ang pag-aalala ng followers ni Angel at nagpahayag ng kanilang hangarin at dasal para sa mabilis niyang paggaling. -- FRJ, GMA News