ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ina Raymundo, Carmi Martin share secrets to staying youthful


Kilala sina Ina Raymundo at Carmi Martin bilang ilan sa mga beteranong aktres na patuloy ang pamamayagpag bilang pinakamagagandang mukha sa showbiz.
 
Bumibida ngayon ang dalawa sa Kapuso primetime series at ikalawang Pinoy remake ng hit Mexican telenovela na “Marimar,” at kamakailan lamang din nang bumida si Ina sa cover ng isang men's magazine sa kauna-unahang pagkakataon.
 
Nagdiwang si Ina ng kaniyang 40th birthday nitong nakaraang linggo kasama ang kaniyang asawa at limang anak, at aniya, “Age is just a number.”
 
Dagdag pa ng aktres sa panayam ng “Sarap Diva” kasama si Regine Velasquez, isa sa mga layunin niya bilang artista ang maging inspirasyon sa mga kababaihan pagdating sa pag-aalaga sa kanilang mga sarili.
 
“Alam mo, I'm here talaga to inspire women na kaya eh. Puwedeng puwede mong gawin 'yung ginagawa ko. It can be done, it's so easy actually. Pero siyempre, you have to commit yourself,” paliwanag niya.
 
Ilan lamang sa mga sikreto ni Ina ang pagtatanggal ng make up matapos ang mahabang araw ng shooting at iba pang showbiz commitments, pati na ang skin exfoliation.
 
Para naman sa 52-year-old actress na si Carmi Martin, mahalagang investment ang iba't ibang skincare at hair products.
 
Aniya sa panayam ng nasabing programa, “I regularly go to facial centers para pa-clean ko talaga 'yung face ko. And then ang investment ko talaga ay 'yung mga cream for the face, for my hair. Talagang mahilig ako diyan.” 
 
“I regularly go sa center para malinis 'yung face ko. Once a week. Hindi lang facial, diamond peel, meron silang mga treatments talaga,” dagdag pa niya.
 
Nilinaw naman ng aktres na hindi kinakailangang gumastos ng malaki sa madalas na pagpunta sa facial centers o mga salon dahil maaaring gawin ang iba't ibang beauty regimens sa bahay.
 
Ayon kay Carmi, “Hindi ako 'yung kailangan dependent doon sa parlor kasi hindi ko talaga mati-treatment. Iti-treatment ko 'yung hair ko kahit sa bahay.” —Bianca Rose Dabu/AT, GMA News