Si Jiro, ang AlDub at iba pang top showbiz news ng 2015
Napuno ng malalaking showbiz balita ang taong 2015. Kabilang na rito ang hindi sinasadyang pagkakabuo ng phenomenal AlDub love team sa kalyeserye ng longest-running noontime show na “Eat Bulaga,” at ang pagdating ni Baby Maria Letizia sa buhay ng Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Mayroon ding mga malungkot at kontrobersiyal na mga balita tulad ng kinasangkutang gulo ng aktres na si Melissa Mendez sa loob ng isang eroplano, at ang pagpapalaboy-laboy ng dating child actor na si Jiro Manio sa isang paliparan.
Pagpanaw ni Jam Sebastian
Sinubaybayan ng publiko ang halos isang taon na pakikipaglaban sa sakit na lung cancer ng YouTube sensation na si Jam Sebastian, isa sa mga bumubuo ng online love team na JaMich.
Ngunit noong Marso ay hindi na kinaya ng 28-anyos na si Jam ang laban at pumanaw habang nakaratay sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City.
Subalit matapos ang paghatid kay Jam sa huling hantungan, umusbong naman ang hindi pagkakaunawaan ng kaniyang ina at at fiancé nito na si Mich Liggayu.
Offloading incident
Marso rin ng taong ito nang masangkot sa kontrobersiya ang aktres na si Melissa Mendez nang makipag-away umano sa kapwa pasahero sa eroplano at sa flight attendant.
Nag-ugat daw ang gulo sa kagustuhan ng aktres na makaupo sa reserved seat na hindi para sa kaniya.
Naunang iginiit ni Melissa na siya ang sinaktan at napahiya sa nangyaring insidente.
Umabot pa sa korte ang isyu nang magsampa ng slander case laban kay Melissa ang nakaalitan nitong pasahero—ang model at realtor na si Rey Pamaran, na siyang nakapuwesto sa reserved seat.
Sa huli, naging tahimik ang magkabilang kampo tungkol sa pag-usad ng kaso, at sinabi ni Melissa na umaasa siyang magkapatawaran na sila ni Rey at maging magkaibigan.
Kapuso na sina Willie at AiAi
Taong 2015 nang maging opisyal na Kapuso ang mga batikang host at komedyante na sina Willie Revillame at Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas.
Sa kasalukuyan, host ng game show na “WowoWin” si Willie, habang bumibida naman sa comedy variety show na “Sunday Pinasaya” at showbiz talk show na “CelebriTV” si AiAi.
Nakasama rin sila sa Christmas station ID ng Kapuso Network ngayong taon.
Reconciliation
Taon din ng pagpapatawad ang 2015 makaraang magkaayos na ang Kapuso actress na si Katrina Halili, at sina Dra. Vicki Belo at Hayden Kho, Jr.
Matatandaang walong taon na ang nakalipas nang kumalat ang private video nina Katrina at Hayden na humantong sa demandahan at pagkakabawi sa lisensiya ng binata bilang isang doktor.
Sa isang private meeting, nag-usap ang tatlo kasama ang talent manager na si Lolit Solis, na naging daan umano upang magkita-kita na sina Vicki, Hayden, at Katrina.
Miscarriage ni Mariel Rodriguez
Naging malungkot naman ang taon para sa mag-asawang Mariel Rodriguez at Robin Padilla nang dalawang beses na makunan o malaglag ang sanggol sa sinapupunan ni Mariel.
Sa kabila ng pangyayari, nanatiling matatag sina Mariel at Robin, sa tulong na rin ng suporta at pagmamahal na natatanggap nila mula sa kanilang pamilya at mga kaibigan mula sa loob at labas ng showbiz.
not all days are happy... some days are sad. #byecutiepie
A photo posted by mariel padilla (@marieltpadilla) on
Ang tunay daw na ina ni Louise
Naging kontrobersyal naman ang unang bahagi ng taon sa young Kapuso actress na si Louise delos Reyes matapos lumutang ang isang babaeng nagsasabing siya raw ang tunay na ina ng dalaga.
Ayon sa babaeng nagpakilalang si Morena Ebrada, pinili raw niyang ipaampon noon si Louise dahil sa hirap ng buhay. Ito umano ang dahilan kaya napunta ang young actress sa kinikilala niyang mga magulang ngayon na sina Jun at Elvie Perido.
Nagkaroon ng pagkakataong magkaharap sina Louise at Morena sa tulong na rin ng GMA News. Nagdududa man sa kuwento ng ginang, hindi ipinagkait ni Louise ang hinihingi nitong kapatawaran sa ginawa raw na pag-abandona sa kaniya.
Aniya, “Ang sinabi niyo po sa akin, gusto niyo lang po na humingi ng tawad at kilalanin ko kayong ina. Kung mapapatunayan man po na kayo talaga ang nanay ko, willing naman po ako. I am more than willing. Sino ba namang anak ang kayang itakwil ang kanyang ina? At kung 'yun po ang magpapaluwag sa loob ninyo, ibibigay ko po.”
“Nasasaktan rin po ako na makita ang isang taong nasasaktan nang dahil sa akin. Pero hindi ko rin po kayang makisimpatya sa inyo ng sobra dahil inaalagaan ko rin po ang nararamdaman ng pamilya ko, lalo na ng nanay ko,” ayon sa young actress.
Rachelle Ann sa West End
Samantala, masaya naman ang lahat para sa Kapuso singer at performer na si Rachelle Ann Go dahil sa patuloy nitong pagningning bilang isang stage actress sa mga sikat ng musical sa West End.
Mula sa pagbida sa “Miss Saigon” noong nakaraang taon, gumaganap naman ngayon si Rachelle bilang Fantine sa longest-running West End musical na “Les Miserables.”
Dahil sa kaniyang natatanging pagganap, kinilala na ang Filipina singer ng ilang award-giving body, tulad ng Broadway World UK kung saan niya napanalunan ang Best Female Performance in a Long-Running West End show.
Nakatakdang bumalik sa Pilipinas si Rachelle Ann bilang bahagi ng Les Miserables Australia na magtatanghal sa Manila ngayong 2016.
Jiro Manio, naging palaboy
Ikinagulat naman ng marami nang mapabalitang pagpalaboy-laboy sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport ang dating child actor na si Jiro Manio, na naging award-winning sa kaniyang pagganap sa mga pelikula gaya ng “Magnifico.”
Apat na araw umanong namalagi ang aktor sa NAIA at umaasa lamang sa tulong ng mga tao doon upang makakain bago siya mahanap muli ng kaniyang pamilya.
Nanguna naman sa pagtulong kay Jiro ang Comedy Concert Queen at ang tumayo niyang ina sa pelikulang “Tanging Ina” na si AiAi Delas Alas, na siyang naging abala sa pag-aasikaso ng pagpasok ni Jiro sa wellness center at sa pagsiguro na bumuti ang kalagayan nito.
Sinadya pa ni AiAi ang tunay na ama ng former child actor sa Japan upang magkaayos ang relasyon ng dalawa.
Hindi man nagkita ang mag-ama, masayang pa ring ibinabalita ng “Sunday PinaSaya” star na tuloy-tuloy ang pagbuti ng kalagayan ni Jiro habang tumatagal.
A video posted by Martina Eileen Delas Alas (@msaiaidelasalas) on
AlDub, the beginning
Hulyo naman ng taong ito nang mabuo ang love team nina Pambansang Bae Alden Richards at Dubsmash Queen Maine "Yaya Dub" Mendoza sa kalyeserye ng “Eat Bulaga.” Mula noon, gumawa na ng ingay maging sa ibang bansa ang phenomenal AlDub tandem.
Ayon sa mga nasa likod ng nasabing noontime show, aksidente lang ang pagkakabuo sa AlDub, na nagsimula nang kiligin si Yaya Dub nang makita niya sa splitscreen (TV) ang Pambansang Bae.
Dahil sa natural na kilig na hatid sa mga manonood, halos araw-araw ay trending ang mga hashtag ng Kalyeserye. Nitong Oktubre, nagtala ng 41 million tweets ang #ALDubEBSaTamangPanahon, kasabay ng live at no-commercial airing ng “Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon” concert na pumuno sa Philippine Arena, ang world's largest indoor arena.
Pinag-usapan din sa iba't ibang international news platforms ang AlDub phenomenon, kabilang na ang BBC na tinawag itong “social media phenomenon.”
Mula noon, naging kabi-kabila na ang guesting at endorsements ng dalawa, at bumida na rin sila sa kanilang unang pelikula—ang 2015 Metro Manila Film Festival entry na “My Bebe Love” kasama sina Bossing Vic Sotto at Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas.
Bossing Vic at Pauleen, engaged na
Matapos ang ilang taon na magkarelasyon, isinapubliko ni Bossing Vic Sotto na engaged na sila ng aktres na si Pauleen Luna. Wala mang inihahayag na eksaktong petsa, gaganapin ang kanilang kasal sa Enero 2016.
Nais umano ng dalawa na simple at intimate ang kanilang kasal na dadaluhan lang ng malalapit nilang mga kaanak at mga kaibigan.
Startalk, nagtapos; CelebriTV, nagsimula
Pagkaraan ng 20 taon ng pamamayagpag sa telebisyon, nagpaalam na ang kinikilalang showbiz news authority na "StarTalk." September 12 nang ipalabas ang huling episode ng nasabing showbiz talk show.
Sa pagtatapos ng StarTalk, pumalit naman ang bagong entertainment talk-comedy-magazine show na “CelebriTV,” kung saan host ang Henyo Master na si Joey de Leon, kasama sina Lolit Solis at AiAi Delas Alas.
Bubble Gang, 20 taon na
Sa pagtatapos ng taon, ipinagdiwang ng longest-running comedy gag show na "Bubble Gang" ang kanilang ika-20 taon sa telebisyon.
Bukod sa espesyal na dokumentaryo, tampok ang mga batikang artista at komedyanteng naging bahagi ng programa. Nagkaroon din ng commemorative book ang "Bubble Gang" bilang paggunita sa 20 taon nilang pagpapasaya sa mga Pilipino.
A photo posted by Michael V. ???????? (@michaelbitoy) on
'Heneral Luna,' humataw sa takilya
Nagbigay naman ng pag-asa sa paggawa ng historical film ang magandang resulta sa takilya ng historical biopic na “Heneral Luna,” na pinagbidahan ni John Arcilla.
Dahil sa mainit na pagtanggap at pagtangkilik ng mga Pilipino mula sa iba't ibang panig ng bansa sa nasabing pelikula, naabot sa P200-milyon ang kinita nito sa takilya, halos kapantay ng naging kabuuang gastos upang mabuo ang pelikula.
Ang pelikulang ito na obra ni Direk Jerrold Tarog ang napiling pambato ng Pilipinas sa 2016 Best Foreign Language Film category sa prestihiyosong ng Academy Awards o Oscar sa Amerika.
Starstruck Season 6
Inabangan din at sinubaybayan ng marami ang pagbabalik sa telebisyon ng reality-based artista search na "Starstruck".
Muling napanood ng sambayanang Pilipino ang ilang artista hopefuls na nagtagisan ng galing sa pagkanta, pagsayaw, at pag-arte upang tanghaling Ultimate Survivors.
Sa huli, hinirang sina Migo Adecer at Klea Pineda bilang Ultimate Male and Female Survivors, habang First Prince at Princess naman sina Elyson de Dios at Ayra Mariano.
Pagdating ni Baby Letizia
Makaraan ang 'di malilimutang kasal nila noong December 2014, kasama namang nagdiwang ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera ang lahat ng nagmamahal sa kanila nang isilang ang panganay nilang anak na si Baby Maria Letizia noong November 23.
Kaagad na pinagkaguluhan ng netizens at naging trending topic ang unang larawan si Baby Zia na ipinost sa social media nina Dingdong at Marian.
Merry Christmas from the Dantes family ? #Priceless ???? #MariaLetizia
A photo posted by Marian Rivera Gracia Dantes (@therealmarian) on
—FRJimenez/NB GMA News