How AlDub won our hearts this year
Isa sa mga pinag-usapan ngayong taon sa loob man o sa labas ng bansa ang saya at kilig na hatid ng loveteam nina Pambansang Bae Alden Richards at Dubsmash Queen Maine Mendoza sa Kalyeserye ng noontime show na "Eat Bulaga!"
Naging bahagi ng "Juan for All, All for Juan" segment ng nasabing programa si Maine bilang Yaya Dub noong Hunyo, ngunit hindi nagsimula ang kilig para sa mga Dabarkads hanggang Hulyo, nang magkita sina Alden at Yaya Dub sa splitscreen.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na itinuturing ng mga bumubuo ng noontime show na "aksidente" ang pagkakabuo sa binabansagan ngayong "phenomenal loveteam" sa Pilipinas.
#AlDub Day 1: Yaya DUB meets Alden #KiligPaMoreSi Yaya DUB na-distract kay Bae Alden! ;) #KiligPaMore #PabebeWavePaMore
Posted by Eat Bulaga on Thursday, July 16, 2015
Kuwento ng direktor na si Mike Tuviera, walang ideya ang sinomang bumubuo sa programa na magiging ganito kalaki ang epekto ng tambalan nina Alden at Yaya Dub sa mga manonood.
"It was born from the moment that the staff found out that in real life, Yaya Dub had a crush on Alden. No one knew that," aniya.
Dagdag pa ng batikang direktor, "Alden was already having lunch and he was done for the day kasi, nasa 'Juan For All [All for One]' na. Noong nalaman nila yun, nilabas nila si Alden na kumakain, sabi niya, 'Sige po, sige po.'"
"Nilagay nila si Alden sa front row, sabi nila, 'Diyan ka lang Alden, pa-guwapo ka, tingnan nga natin.' Si Alden, 'yun na, nag-wave na siya. Nung na-insert na, tiningnan namin ang reaksiyon, so that’s all. It was all an accident,” pag-amin ni Direk Mike.
Sa ngayon, umabot na ng higit sa limang milyong views ang video ng unang pagkikita ng AlDub, kung saan pinasikat ni Yaya Dub ang "Pabebe Wave," na ginawa na ng iba't ibang local at international celebrities.
Mula nang tumutok ang halos buong sambayanang Pilipino sa bawat Kalyeserye episode, araw-araw nang naging trending topic sa social media ang AlDub.
Hadlang man sa kanila si Lola Nidora at ang kaniyang mga hamon, pati na ang splitscreen, ang plywood, at ang long table, hindi pa rin nagpapaawat sa pagpapakilig ang tambalan nina Alden at Maine.
Kaya naman nang matupad na ang hiling ng AlDub Nation na magkita ang dalawa at mabasbasan na ni Lola Nidora ang kanilang pagmamahalan, record-breaking ang naging usapan sa social media.
Oktubre ngayong taon nang makapagtala ng 41 million tweets ang #ALDubEBSaTamangPanahon kasabay ng live at no-commercial airing ng “Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon” concert na pumuno sa Philippine Arena, ang world's largest indoor arena, at kung saan nasaksihan ng lahat ang ganap na pagtatagpo ng phenomenal loveteam.
Nahigitan ng social media record na ito ang tweets noong FIFA World Cup semi-finals sa pagitan ng Germany at Brazil na mayroong 35.6 tweets, at Superbowl XLIX na mayroon lamang 25.1 tweets.
Naging paksa rin ang phenomenon na nagawa ng AlDub loveteam sa ilang academic discussions, gaya na lamang sa Ateneo Initiative for Korean Studies (AIKS) na nagdaos ng espesyal na lecture upang talakayin ang koneskyon ng AlDub phenomenon sa Hallyu experience, o ang Korean Cultural Wave sa Pilipinas.
Bukod sa kanilang malaking bahagi sa social media, naging patok rin sa iba't ibang programa at endorsements sina Alden at Maine a.k.a. Yaya Dub, pati na ang mga Lola ng Kalyeserye na sina Lola Nidora, Tidora, at Tinidora, na ginagampanan nina Wally Bayola, Paolo Ballesteros, at Jose Manalo.
Naging tampok rin sila sa iba't ibang magazine features at covers ngayong taon, matapos ang higit sa limang buwan lamang mula nang mabuo ang AlDub loveteam.
Bago magtapos ang taon, bumida naman sina Alden at Maine sa kanilang unang pelikula: ang Metro Manila Film Festival 2015 entry na "My Bebe Love," kung saan kasama rin sina Bossing Vic Sotto at Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas.
Unang araw pa lamang ay nanguna na sa takilya ang nasabing pelikula, na kumita agad ng P159 million, ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos.
Nagwagi pa bilang 3rd Best Picture ang "My Bebe Love," habang nakuha naman ni Maine ang Best Supporting Actress para sa kaniyang pagganap sa unang pelikulang kinabilangan niya.
Papasok na nga ang panibagong taon, ngunit hindi pa rin makapaniwala sina Alden at Maine sa naging magandang takbo ng kanilang showbiz career ngayong taon.
Maraming katrabaho ng dalawa ang pumuri sa pagiging mapagkumbaba nila at nagsabing ito marahil ang dahilan ng matinding pagbuhos ng biyaya sa kani-kanilang mga buhay.
Nagpapasalamat naman ang dalawa sa pagkakataong makapagpasaya ng mga Dabarkads mula sa iba't ibang sulok ng mundo.
Ayon kay Maine sa isang blog post, "Ang bilis ng mga pangyayari. Everything is actually still surreal every time I think about my life right now. And I believe things will get more interesting (and even more exhausting!) in the future and I hope to be able to keep up with the changes."
"Kailangan panindigan tong pinasok ko, ginusto ko eh. Anyway, masaya ako sa ginagawa ko.. and I couldn’t be happier and luckier," dagdag pa ng dalaga.
Para naman kay Alden, "Ayoko pong ipasok sa ulo ka na sumisikat ako, na may narating na ako, kasi kulang pa.”
“Kung ano 'yung gusto mong makuha, pagsumikapan mo. Hindi bulag ang Diyos. Magugulat ka na lang nasa harap mo na siya at nasa kamay niya na 'yung pinapangarap mo,” pagtatapos ng Pambansang Bae. —JST, GMA News