ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, nalampasan na raw ang mabibigat na pagsubok sa buhay


Sa programang "Tonight With Arnold Clavio" nitong Miyerkules ng gabi, ikinuwento ng Superstar na si Nora Aunor na naging masugid na fan siya ng noo'y young star na si Star For All Season Vilma Santos, at nagawa niyang maghintay ng ilang oras makita lang ang idolo.

 


Ayon kay Nora, madalas siyang manood ng mga pelikula ni Vilma noong bata siya kasama ang mga kaibigan.

"Kahit wala akong pera pinangungutang ko talaga 'yon (para lang mapanood). Kasama ko mga kaklase ko," kuwento ni Ate Guy.

Patuloy ng Superstar, "Hanggang sa dumating ako dito sa Maynila nagpapirma po ako sa kaniya... slam book pa (uso) nung araw."

Hindi rin ikinaila ni Ate Guy na crush niya noon si Vilma at nagpunta siya sa hotel na tinutuluyan ng dating young star para maibigay ang dala niyang rosas.

"Sa Hilton," tugon ni Nora nang mabanggit ni Arnold na naghintay siya kay Vilma sa isang hotel.

"Seven o'clock nandun ako may dala akong roses," pagbahagi ni Ate Guy sabay biro na, "baka wala nang manligaw sa akin."

"Tagahanga talaga ako. Dumating siya alas-kuwatro ng umaga, naghintay ako hanggang four o'clock ," patuloy niya.

Pinapasok naman daw siya at pinaakyat sa tinutuluyan noon ni Vilma.

Kinilala rin ni Nora na malaking tulong sa kanila ni Vilma ang naging rivalry ng kani-kanilang fans na mas kilala bilang Noranians at Vilmanians.

"Yung rivalry naman sa mga fans at nakatulong ho nang malaki sa amin 'yon dahil pinag-usapan (kami)," aniya.

Sa narating niya sa showbiz mula sa pagiging isang tagahanga hanggang sa maging isa sa mga haligi ng Philippine showbiz, sinabi ni Nora na wala na raw siyang mahihiling pa.

"Sa totoo lang po sobra-sobra nang ibinigay sa akin ng nasa 'Taas. Alam ko pong hindi ako pinapabayaan kasi maraming bagay na... binibigyan pa rin ako ng pagsubok pero lahat ng pagsubok na ibinigay sa akin kumbaga, kung sasabihin natin kayang-kayang dalhin," paliwanag niya.

Patuloy ng batikang aktres, "Kasi kung nung araw nagkakasabay-sabay yung pagsubok na ibinibigay-- pamilya, trabaho, pagkatapos yung lahat, pagdating sa pera, nagkasabay-sabay po 'yon."

Mula nang bumalik siya sa Pilipinas noong 2011 makaraang manirahan nang ilang taon sa Amerika, hindi nawawalan ng proyekto si Nora. 

Kasalukuyang siyang napapanood sa Kapuso primetime series na "Little Nanay," kasama sina Eddie Garcia, Bembol Roco, Kris Bernal, Mark Herras, at marami pang iba. -- FRJ, GMA News

Tags: noraaunor