ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'D Badingdings,' ikinuwento ang  huling mga araw na kasama nila si Kuya Germs


Hindi raw akalain ng "D Badingdings" na tuluyan na palang magpapaalam sa kanila si German "Kuya Germs" Moreno nang ito ang pumili ng huling pinatugtog nila sa pagsasara ng kanilang afternoon dzBB radio program na "Walang Siesta" noong Miyerkules, ang awiting "It's Time To Say Goodbye" ni Nora Aunor.

Ang "D Badingdings" ay mga co-anchor ni Kuya Germs sa "Walang Siesta," na binubuo nina "Tootie," John "Jana Chuchu" Fontanilla, at "Mega" Unciano. Sila ang nagsilbing kahalili ni "Shalala" mula nang mawala ito sa programa na napapakinggan tuwing hapon mula Lunes hanggang Biyernes.

Sa tatlo, si Tootie ang pinakabago sa grupo na nakasama sa "Walang Siesta" mula nang minsan humalili siya kay Kuya Germs nang hindi ito nakapunta sa kaniyang programa.

 

Paano ko makakalimutan ang isang taong nagtitiwala sa akin, yung sasabihan ka "salamat tootie" sa tuwing ako'y hahaligi ng kanyang programa. at paano ko rin makakalimutan ang isang haligi ng industrya na laging nagpapayo nagbibigay ng tips at lagi kong sinusumbungan kapag may mga demonyitang handler/artista. Si Kuya Germs ko nakita yung taong trabaho first before sarili, ganun niya kamahal ang industrya na kahit alam mong nahihirapan pa xa di nya pinapahalata mapasaya lamang ang publiko. Lagi ko siyang tinatanong "kuya Germs ano meron saiyo dahil para kang card ng binggo na pwede sa lahat ng stasyon at sobrang mahal ka ng mga artista? , ang laging sagot niya dahil sa RESPETO AT PAGMAMAHAL. Sa mahigit limang dekada niya sa industrya, walang sinuman ang hindi nakakakilala sa kanya, tawag sa kanya ng mga artista "tatay" kasi naman itinuturing siyang ikalawang ama sa showbiz. Kuya Germs mamimis kita, mahal kita Kuya Germs!!! Salamat sa tawa sa pagmamahal, salamat sa tulong at inspirasyon... walang sinuman ang papalit sa nag-iisang Master Showman -------- PS: ito yung picture na siya pa nagsabi na magpicture kami kasi ang damit ko jan ang siyang gumagawa din ng damit niya sa Walang Tulugan.

A photo posted by Yourstootie (@yourstootie) on

 

Si Mega na isang production assistant, nakitaan ni Kuya Germs ng potensiyal kaya isinama sa kaniyang radio program, gayundin si Jana na isang talent manager at publicist.

Labis ang pasasalamat nila sa pagtitiwalang ibinigay sa kanila ng Master Showman.

Si Tootie, maliban sa "Walang Siesta," ay co-anchor din programang "Ladies Room" ng dzBB tuwing Sabado ng tanghali kasama si Norilyn Temblor.

Nitong Miyerkules, hindi na nakapagprograma sa radyo si Kuya Germs. Kaya gaya ng nakagawian, si Tootie ang humalili. At lingid sa kaalaman ng marami sa dzBB, isinugod na sa ospital si Kuya Germs.

 

 

Thank you so much po, Kuya Germs. @goldengerms

A photo posted by Mega Unciano (@megaunciano) on

 

Pero kahit hindi raw ipinaalam kaagad kina Jana at Mega ang pagkakaospital ni Kuya Germs, sinabi ni Jana na kinutuban na siya na may hindi magandang nangyari. Karaniwan daw kasing tinatawagan siya ni Kuya Germs kapag hindi ito makakapunta sa programa, bagay na hindi nito ginawa noong Miyerkules.

Sa mga tumututok sa "Walang Siesta," sina Mega at Jana ang madalas na sermonan at asarin ni Kuya Germs. Pero ayon sa dalawa, bahagi lang iyon ng programa para makapagpasaya sila mga nakikinig.

Inilarawan nila si Kuya Germs na matulungin at tapat na kaibigan na hindi nang-iiwan. Lagi raw sinasabi sa kanila ni Kuya Germs na kayamanan ang kaibigan. Mahilig din daw itong mag-aya na kumain para makipagkuwentuhan.

Laging Bilin

Kasama ang mga sermon at pang-aasar sa maraming bagay na mami-miss nila sa pagkawala ni Kuya Germs. Bukod sa mga pangaral na maging propesyonal, maging loyal, maging on-time, lagi rin daw nitong ipinapaalala sa kanila na huwag pababayaan ang programa at "the show must go on."

Bukod sa "Walang Siesta," binigyan din ng pagkakataon ni Kuya Germs ang "D Badingdings" na magkaroon ng segment sa television program nito na "Walang Tulugan With the Master Showman."

Kuwento pa nila, maliban na sinasabi sa kanila ni Kuya Germs na pagsakit ng likod nito at bandang baywang, wala naman silang napansing kakaiba sa nagdaang mga araw na kasama nila ang Master Showman bago ito pumanaw nitong Biyernes ng madaling araw dahil sa cardiac arrest.

 

 

OOTD @Jewels_clothinginc with @GoldenGerms #cool #fashionable #luvit #jewels

A photo posted by @iamjohnf on

 

Pero ngayong wala na ang itinuturing ng marami na ama-amahan sa showbiz, isa-isa na nilang naiisip ang ginawa ni Kuya Germs sa nakaraang mga araw na tila pamamaalam na pala.

Isa rito pagpapakuha nila ng larawan na kasama siya. Karaniwan daw kasing hindi nagpapa-picture si Kuya Germs na kasama nila dahil sa katwiran nito na lagi naman silang magkakasama.

Ngunit nitong nagdaang linggo, pumayag si Kuya Germs na makapagpalitrato na kasama siya. Sa kanilang new year show, nakapagbanggit din daw si Kuya Germs ng salita na baka iyon na ang kaniyang huling paglabas.

 

LATE POST: thank you Kuya Germs @Goldengerms sa bonggang regalo love lots!!!

A photo posted by Yourstootie (@yourstootie) on

 

Maging ang huling pinatugtog nila sa pagtatapos ng kanilang programa noong Miyerkules sa "Walang Siesta," si Kuya Germs daw ang sadyang naghanap at pumili ng kantang isasalang na karaniwang hindi raw nito ginagawa, ayon na rin sa kasama nilang si Tita Chuchi.

At ang pinili umanong patugtugin ni Kuya Germs, ang awitin ng kaniyang kaibigang Superstar na si Nora Aunor na, "It's Time To Say Goodbye." -- FRJ, GMA News