ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pagkakaroon ng anak, kasama sa mga plano nina Aiza at Liza ngayong 2016


Pagkaraan ng kasal nila ni Liza Diño, napagtanto raw ni Aiza Seguerra na hindi pa lubos na tanggap sa Pilipinas ang same sex marriage.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Aiza na nabawasan ang trabaho nila ni Liza matapos ang naturang kasal nila na naganap noong Disyembre 2014.

Kaya ikinatuwa ni Aiza ang pagkuha sa kaniya ng isang watch brand para maging endorser dahil nakatulong daw ito para bumalik ang kanyang confidence.

"I'm happy na there are still certain products here in the Philippines who's brave enough to just embrace individuality," ayon kay Aiza, na napapanood din sa programang Princess In The Palace na pinagbibidahan ni Ryzza Mae Dizon.

Sa naturang programa, gumaganap si Aiza na PSG member na nangangalaga sa karakter na ginagampanan ni Ryzza.

Samantala, isa raw sa mga plano nila ni Liza ngayong 2016 ay gawin na ang "in vitro fertilization" sa Nobyembre para magkaroon sila ng anak.

Sa proseso, kukuha ng egg cell kay Aiza at kukuha ng sperm donor na ilalagay naman sa sinapupunan ni Liza.

Sa susunod na buwan ay may show sa Amerika si Aiza at sasamantalahin daw nila ito ni Liza para simulan ang kanilang plano.

"Magpapa-check na para by the time lumipad kami ng November, in process na," ayon kay Aiza. -- FRJ, GMA News