ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pagbabalik ng 'Wowowin,' tinutukan ng fans


Ikinatuwa ng mga tagasubaybay ang pagbabalik sa telebisyon ng Wowowin ni Willie Revillame na napapanood na araw-araw sa bago nitong timeslot bago mag-24 Oras simula nitong Lunes.

Ang fans ng show, tinutukan agad sa telebisyon ang Wowowin pagkagat ng 5:30 p.m. Ang iba, nakisayaw pa sa opening ng programa tulad ni Aling Virgie habang nasa kanilang parlor.

Matanda man o bata, babae man o lalake, excited na mapanood ang pagbabalik ng Wowowin, na hindi lang entertaiment ang dala kung hindi maging papremyo at tulong sa ibang nangangailangan.

Ang sapaterong si Mang Ernie, natutuwa raw na araw-araw nang mapapanood ang Wowowin dahil mas marami raw na matutulungan ang game show.

Sa Wowowin studio sa Quezon City, makikita naman ang mga pumipilang studio audience. Tulad ng isang grupo na nagmula pa sa Angeles, Pampanga, na noong isang taon pa raw nagpa-schedule para makapanood. Kaya excited daw sila dahil first time nilang makikita ang kanilang idolo na si Willie.

Si Nanay Merly, kasama pa ang anak na si Christian na may down syndrome, na idolo rin si Willie. At para ipakita ang paghanga niya sa game show host, nilagay niya ang pangalan ng show sa kanyang hairstyle.

Ang iba naman umaasang, susuwertihing maambunan ng papremyong pinamimigay ni Willie.

Kaya tutok na araw-araw sa Wowowin bago mag-24 Oras. -- FRJ, GMA News

Tags: wowowin